SASAGUPA ang dating world champion na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa darating na Linggo (Abril 22) kay Carl “The Jackal” Frampton para sa interim World Boxing Organization (WBO) Featherweight division na kampeonato sa SSE Arena sa Belfast, United Kingdom.
Mapapanood ang naturang bakbakan sa ABS-CBN S+A at S+A HD sa primetime ng 6:30 pm habang LIVE naman itong eere sa Sky Sports Pay-Per-View ng 2:30 am sa SkyCable.
Ayon kay boxing analyst Atty. Ed Tolentino, maaaring ito na ang pinakamalaking laban ni Donaire (38-4, 24 KOs) sa estado ng kanyang karera ngayon. “Nasa krus na landas na ng kanyang karera sa laban niyang ito kay Frampton. Pero kung matalo siya dito, ito na siguro ang magsisilbing huling laban ng “Filipino Flash,” sabi niya. Pero, kahit na mukhang dehado ang pambato ng mga Pinoy, hindi pa rin daw dapat ito tulugan.
“Delikado pa rin si Donaire kahit na matanda na siya sa kanyang 35-anyos na edad. Kaya pa rin niyang magpatulog ng kalaban sa iisang suntok lang at nariyan pa rin ang kanyang angking galing bilang isang counterpuncher,” dagdag ni Tolentino patungkol sa 2012 Fighter of the Year ng Boxing Writers Association of America (BWAA).
Sa kabilang banda naman, may dala-dalang 24-1 na kartada at kasamang 14 na knockout ang kinikilalang “The Jackal” na si Frampton, na isang dating kampeon sa mundo bilang junior featherweight at featherweight at lalaban kay Donaire sa harap ng kanyang mga kababayan.
Naniniwala ang batikang analyst na kung manalo si Donaire kay Frampton, magkakaroon ito ng garantisadong laban kontra sa nakaupong kampeon ng WBO Featherweight division na si Oscar Valdez ng Mexico kapag gumaling na ang iniinda nitong nabasag na panga.