BINAWIAN ng buhay ang dalawang construction worker sa pagguho ng ikalimang palapag ng ginagawang mall sa Bacolod, nitong Sabado ng madaling-araw.
Nagulantang ang mga papasok na kasamahan ng mga biktimang ‘di muna pinangalanan nang makita nilang gumuho ang mga materyales na bakal at iba pang construction debris mula sa ika-limang palapag ng gusaling pag-aari ng Ayala Land Inc.
Nangako ang mga opisyal mula sa property developer na tutulungan ang mga pamilya ng dalawang manggagawa ng kanilang subcontractor, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
“Both companies are also working with local government officials to determine the cause of the incident,” ayon kay Therese Borromeo, branch manager ng Ayala Land Inc.
Lumalabas na isa sa beams sa ika-limang palapag ng gusali ang sinabing nabali at nagtuloy-tuloy sa pagguho sa scaffolding nito.
Hindi pa makakuha ng karagdagang impormasyon ang awtoridad mula sa property developer at contractors ng gusali habang nagpapatuloy ang clearing operation.
Walang ibang trabahador ang nasugatan sa insidente.
“Importante that families of the workers have been taken good care of. I think that’s the crucial thing we can do right right now,” dagdag ni Borromeo.
Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang Department of Labor and Employment hinggil sa aksidente.