LAGING may butas ang batas.
At ‘yan ay nagkatotoo na naman kung bakit nakapagpiyansa si dating senador Jinggoy Estrada at pansamantalang nakalalaya sa bisa ng piyansa.
Kaya naman biglang nainggit siguro si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles at gusto rin maka-jinggoy.
Dahil sa butas-butas na batas, nakasilip ng argumento ang abogado ni Napoles na si Atty. Dennis Buenaventura.
Una, ang private individual umano gaya ni Napoles ay hindi maaaring ikonsiderang main plunderer.
Sa legal definition umano, ang main plunderer ay hindi maaaring pribadong tao, kailangan umano ay public officer o official.
Pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa si Jinggoy batay sa Supreme Courts’s July 2016 ruling na inabsuwelto ang dating pangulo at kasalukuyang mambabatas na si Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa kasong plunder.
At ‘yan ngayon ang minamataan ng pork barrel scam queen.
O ‘di ba?
Saan naman kayo nakakita, principal respondent sa plunder case, pero mukhang makapagpipiyansa pa, kasi nga private individual?!
Si Janet Lim Napoles ba ‘yan?!
E kung, hindi si Napoles, sino ang magiging principal respondent kung nakalaya na si “Tanda” at si “Sexy?”
Si Bong Revilla ba na naiiwan pa ngayon sa Camp Crame at nagpaplano rin na umapela para siya ay makapagpiyansa?
Hindi ba talaga itutuga ni Napoles kung sino ang kanyang ‘tatay’ sa pandarambong nang bil-yon-bilyong pork barrel, ang pondo ng samba-yanan na ipinadaraan sa tanggapan ng mga mambabatas?!
Puwedeng magaling sumilip ng butas sa mga batas ang mga abogado ng mga plunderer, pero nakatitiyak ba sila na hindi butas-butas ang kanilang konsensiya?
Janet Napoles, puwede ka ngang lumaya, pero kapag nakita ka sa mga pampublikong lugar tiyak na lalayuan ka, dahil para kang ‘ebak’ na pinandidirihan.
Mapalad ka pa kung hindi ka kuyugin ng taong bayan?!
‘Yun lang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap