TULUYAN nang ibinasura ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang pagtatalaga kay Department of Agrarian Reform (DAR) secretary Rafael ‘Paeng’ Mariano.
Siya ang huli at ikaapat na appointee ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, mula sa kaliwa at progresibong hanay, na ibinasura ng CA.
Kung sa kanta ng The Cascades ay “the last leaf clings to the bough” ang kay Ka Paeng Mariano — “the last ‘left’ had unclinged from Duterte’s bough.”
Unang inilaglag ng CA si Perfecto Yasay bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), kasunod nito ay si Ms. Gina Lopez sa Department of Natural Resources Energy (DENR), at kailan lang ay si Prof. Judy Taguiwalo, bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
At kahapon nga, si Ka Paeng.
Iisa ang kanilang common denominator, pare-pareho silang paborito at hinahangaan ng publiko sa kanilang katapatan at paninindigan at ayon mismo kay Pangulong Digong, dedikado at determinado sa paglilingkod sa sambayanan.
Si Ka Paeng Mariano ay dating tagapangulo ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP) at naging party-list representative ng Anakpawis Party-list sa mga nakaraang administrasyon.
Sa panahon ni Pangulong Digong, siya ay itinalagang kalihim ng DAR sa rekomendasyon ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison, na dati namang professor ng Pangulo.
Sa kabila ng matapang na pagharap ni Ka Paeng sa iba’t ibang kontrobersiyal na isyu na kinakaharap ng agrarian reform sa bansa, matapang niyang itinindig ang moratorium sa land conversion na gaya ni Madam Gina ay tinutulan ang open pit mining at iba pang uri ng pang-aabuso sa likas yaman ng bansa.
At mula sa nasabing paninindigan, parang unti-unti na rin nilang hinukay ang paglilibingan ng kanilang appointment — dahil maraming interes ang nasagasaan. ‘Yun nga lang interes ng malalaking politiko, mandarambong na negosyante at mga landgrabber na nagmamaskara bilang real estate developer.
Sa kasalukuyan, may natitira pang isa mula rin sa kaliwa — si National Anti-Poverty Commission (NAPC) Director Liza Maza, pero hindi kailangan pagtibayin ng CA ang kanyang appointment.
Sa naging kapalaran nina Yasay, Lopez, Taguiwalo at Mariano sa kamay ng makapangyarihang CA, ibig bang sabihin na walang magagawa si Pangulong Digong kahit bilib siya sa performance ng kanyang mga appointee?!
Mukhang ganoon na nga…
Sa isang banda, isang magandang palatandaan din ito na hindi iba-bargain ng Pangulo ang kanyang paninindigan kapalit ng probetsong iba-barter sa kanya ng CA.
Sabi nga, that’s politics!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com