BALIK-TELESERYE na uli si Maricar Reyes-Poon at sa pagkakataong ito ay mag-a-action siya dahil siya ang secret adviser ni Professor Theodore Montemayor (Albert Martinez), pinuno ng Moonchasers at ipakikita na ngayong gabi sa La Luna Sangre ang aktres.
Gagampanan ni Maricar ang karakter na si Samantha o Sam na isang immortal at adoptive sister ni Sandrino (Richard Gutierrez) dahil adopted daughter siya ni Magnus Imperial (Jake Roxas).
Nagkagusto si Sam kay Mateo (John Lloyd Cruz) pero hindi naman siya nagustuhan dahil si Lia (Angel Locsin) ang mahal ng tatay ni Malia (Kathryn Bernardo).
Nakagat si Sam ng isang Hybrid (Werewolf-Vampire) na si Lucas Teodoro (Rico Blanco) nang magsagupa sila at para hindi na siya matulad kina Sandrino na pumapatay ay minabuti nitong magpakamatay. Pero nabuhay siya dahil nananalaytay sa katawan niya ang dugo ni Lucas.
Sa madaling salita, kakalabanin ni Sam ang kapatid niyang si Sandrino at nasa panig siya ng mga tao.
Sa paglabas ng karakter ni Maricar ngayong gabi sa LLS ay tutulungan niya ang Moonchasers sa pakikipaglaban sa mga alagad na bampira ni Sandrino na ipinakita na sa trailer na may babaeng nakaputi na lumilipad-lipad at pinagbabaril ang mga kampon ng kasamaan.
Samantala, masaya si Maricar at asawang si Richard Poon dahil bestseller ang libro nilang 10 Things We Fight About sa lahat ng sangay ng National Bookstore na ini-launch noong Hulyo 16 sa NBS Glorietta 1.
IMPORTANTENG MAY KAUNTING
BALIW-BALIWAN ANG MGA DIRECTOR
— DIREK JUN SA PAG-ATTITUDE
NG MGA DIREKTOR
TATLONG taon palang itinatag ang IdeaFirst Company sa 2018 nina Jun Robles Lana at Perci M. Intalan ay kaliwa’t kanan na kaagad ang mga proyekto at nakatutuwa dahil lumalapit sa kanila mismo ang mga producer para igawa sila ng pelikula.
Hindi na namin babanggitin ang nabalitaan naming movie company na gusto ring makipag-meeting kina direk Jun at Perci para sa iaalok na pelikula.
Anyway, sa nakaraang launching of talents ng IdeaFirst Company ay limang direktor ang mina-manage nila, sina Prime Cruz (Manananggal sa Unit 23B/Can We Still Be Friends); Sigrid Andrea Bernardo (Kita Kita/Ang Huling Cha-Cha ni Anita/Lorna); Miko Livelo (I Love You to Death); Ivan Andrew Payawal (I America ni Bela Padilla/The Comeback), at Dominic Lim (My Rebound Girl/Ninja Party/Kapitan Basura bilang scriptwriter).
Tinanong sina direk Jun at Perci kung ano ang parusa nila kapag nag-attitude ang alaga nilang direktor.
Mabilis na sagot ni direk Jun na siyang Creative Director ng IdeaFirst Company, ”so far mababait naman silang lahat.”
May mga ganitong insidente sa mga direktor lalo na kapag stress sila sa paghahabol ng deadlines.
“May process namang nangyayari sa set at inirerespeto rin kasi natin ‘yung bawat personality ng direktor as long as hindi nagiging personal o nananakit ng kapwa, walang naba-violate na artista, hindi naman nalalagay sa alanganin ‘yung safety, we tolerate naman.
“Kasi importante ‘yung kaunting baliw-baliwan ng mga director, importante ‘yun. Boring naman kung hindi, may space silang puwedeng galawan as long as hindi sila nakasasagabal sa takbo ng shoot at walang nasasaktan,” esplika ni direk Jun.
Paano kung may pagkakamali talaga? ”May time na kailangang maglabas ng pangil, pagsasabihan mo sila, pero walang personalan ‘yun, lahat ‘yun may kinalaman sa trabaho,” sabi pa ni direk Jun.
Paano ang usapan kapag nag-blockbuster ang pelikula ng alaga nilang direktor, may komisyon ba silang makukuha?
“I think nag-e-evolve rin ‘yung negotiation ngayon as creative talent kasi medyo papunta na nga tayo ngayon sa Hollywood style na negotiation na bukod sa kinikita mo, mayroon kang bank-in or rights na hawak o royalties. Sana umabot tayo roon kasi it’s a working device system na gagalingan mo kasi alam mong mayroon kang mapakikinabangan afterwards.
“Pero hintayin nating umabot doon siguro kasi ayokong mag-impose kasi siyempre sino ba naman kami para i-impose lahat ‘yan sa mga star player but I do see na sana the bigger players starting to volunteer,” paliwanag naman ni direk Perci.
Ano naman ang hakbang nila sa ilang producers na pinakikialaman ang trabaho ng direktor na minsan nakapapangit ng pelikula?
“Well, kasama ‘yun kung hanggang saan ang job description namin, we are there from the start to make sure that it will run smoothly, we are there also to help make trouble shoot kapag may problema, siyempre hindi naman namin gugustuhing umabot doon na we interfere too much lalo kapag production ng iba, ayaw naming nandoon kami lagi.
“Open ‘yung lines of communication, isang tawag lang kapag may emergency at kaya naman namin pumasok.
“Ang maganda lang siguro sa amin ni Jun ay nagbunga na ‘yung ilang dekada namin sa industriya at marami na rin kaming nakilala at alam. Hindi naman kailangang combative. Ang maganda lang, kakilala na namin ang mga producer na (sabay-sabay ang project), minsan nag-uusap na nga ang mga producer na aayusin nila ang mga project,” paliwanag ni Perci.
Paano kapag ang direktor nila ang nakaranas ng pang-aabuso ng ilang producers?
“Hindi siguro abuse sa part ng direktor, kundi struggle lalo na kapag ang projects ay commissioned. Minsan nagkakaroon ng conflict kasi iba ‘yung gusto ng producer, iba, ‘yung gusto ng direktor, so ‘yun lagi talaga ang struggle ng isang direktor. Wala naman akong nakita pang mas malaking problema roon. ‘
“Yung talent fee naman kung ano ‘yung napag-usapan at pumayag ka roon, ke maliit ‘yun at pumayag ka, wala ka nang magagawa,” katwiran naman ni direk Jun.
Samantala, kinulit namin si Perci kung sino sa limang direktor ang may pinakamataas na talent fee? Depende ba ito sa kinita ng pelikula nila?
“I guess seniority para fair. Ang mga maraming pelikula na kasi riyan si Prime, pang-apat na ni Prime ang ‘Debutantes’ (ipalalabas pa lang ng Regal Films), pangatlo pa lang ni Sigrid ang ‘Kita Kita’, tapos may gagawin pa si Prime sa Viva, so that would be five (movies),” katwiran sa amin.
Pero inamin sa amin ni PMI (tawag kay Perci) na kay Sigrid siya nakatutok.
“Ako kasi ang nag-open na magkaroon ng manager kaya mas madalas kaming magkasama. At saka ako kasi ‘yung sa business side, so ako ‘yung laging pupunta sa Viva o sa Regal.
“Eh, mayroon siyang mahabang kontrata sa Viva, it’s a multiple picture contract non-exclusive. Ako ‘yung nag-govern niyon. Ako ‘yung bahala lahat sa contract, ako sa business side pero ‘pag mentoring sa creative, si Jun.
“So, halimbawa may problema sila o anong gagawin sa pelikula nila o project na gustong gawin, si Jun ang takbuhan nila. Ako naman kapag may hindi pa nagbayad o nabayaran sa talent fee, ako na bahala roon,” kuwento pa sa amin.
Sa limang direktor nila ay bukod tanging si Sigrid ang hindi produkto ng scriptwriting workshop ni Lana.
“Opisyal na nagkatrabaho kami ni Sigrid at naging acting coach niya ni direk Miko sa ‘I Love You to Death’. Doon kami nagkatsikahan ng mas matagal.
“Natuwa nga ako sa kanya (Sigrid) kasi ang tagal na naming nag-uusap tungkol sa management, last June or July last year pa. Wala pang ‘Kita Kita’. Pero nag-agree na kami na gagawin na namin ang movie niyang ‘Mr and Mrs. Cruz’ (Viva films) even without the management side.
“Tapos nabanggit nga na may offer sa kanya na i-manage siya and sabi niya may kausap na siya. Ako kasi sinabihan ko siya, ‘go on kung anong gusto mo.’ Kaya nakatutuwa na hindi niya nakalimutan ‘yun,”kuwento ni Perci.
Napag-usapan din lang ang mga titulo ng mga pelikulang ginagawa ngayon ng IdeaFirst Company bilang co-producer sa Dalawang Mrs. Reyes ng Quantum at Starcinema nina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban na si Lana ang direktor at itong Mr. and Mrs. Cruz na line-produce naman nila ni Perci sa Viva Films at si Sigrid ang sumulat at magdidirehe na ang bida ay sina Ryza Cenon at JC Santos.
Sabi namin ay nakalilito na ang mga titulo at ano ba ang pagkakaiba nito?
“Alam mo nakakatawa ‘yan kasi magkaibigang project ‘yan. Kasi ‘yung Dalawang Mrs. Reyes, 2008 pa nagawa (nasulat), ‘yung Mr and Mrs. Cruz ginawa nina Sigrid at Omar (Sortijas) mid last year 2016.
“Yung mga parehong mga title na ‘yan may mga twist pero hindi sila mag-asawa, basta. Kami na ang nagsasabi sa Starcinema at Viva na palitan natin ang title, nag-volunteer na kami ng ibang title, ayaw ng Viva kasi nagandahan sila sa title. Ganoon din sa Starcinema, nag-volunteer na si Joji (Alonso-co-producer) na palitan, ayaw din.
“Alam nila (Starcinema at Viva Films) na may mga project na ganoon, go naman sila. O, ‘di go, malay naman natin baka mauso (mga pangalan) baka susunod, Santos na ang pangalan, ha, ha, ha,” natatawang sabi sa amin ni Perci.
Oo nga, baka nga maging trending na pangalan ang titulo ng mga susunod na pelikula.
FACT SHEET – Reggee Bonoan