KAHIT na sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na simpleng State of the Nation Address (SONA) lang ang gusto niya at ayaw niya ng magarbo, lumutang pa rin ang ilang mambabatas at kanilang mga kabiyak suot ang mga mamahaling Mindanao Tapestry lalo na ang T’nalak.
Sa mga nagdaang administrasyon kasi, parang may fashion show kapag SONA.
Pabonggahan, mula ulo hanggang paa. Bonggang gown at terno, at luxury bags and shoes pati kotse bonggang rin!
Parang akala mo OSCAR o iba pang awards night o kasalan ang pupuntahan.
Kahit noong unang SONA pa lamang ni tatay Digong e mahigpit na niyang ipinag-utos na ayaw niya ng pabonggahan sa kanyang SONA.
Marami naman ang nakinig — noong unang SONA ‘yun.
Pero nitong Lunes, sa ikalawang SONA, mayroon talagang mga hindi makatiis.
Hindi makatiis pumorma at umawra?!
Kumbaga mayroong mga sumalisi gamit ang Mindanao tapestry para siyempre, kakaiba ang dating.
Mga de-kalibreng fashion designer ang gumawa ng kanilang very expensive na gown.
Ilan sa kanila si Tourism Secretary Wanda Teo, dating senador Nikki Coseteng, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu, DPWH Secretary Mark Villar and wifey, Emmeline Aglipay-Villar, Rep. Elpidio Braganza Jr., and wifey Jennifer, Rep. Lucy Torres and daughter Julia, Lipa, Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, senators Pia Cayetano and Loren Legarda at senatorial wife Heart Evangelista Escudero at ang simple pero rock na si Gov. Imee Marcos.
‘Yan naman daw ang hiling ng ilang kongresista at iba pang personalidad, ang magkaroon ng kaugnayan sa Mindanao ang kanilang kasuotan para sa SONA.
At ang designer diyan si Renee Salud.
Katunayan siya ang gumawa sa kasuotan nina Lipa, Batangas Rep. Vilma Santos at Tourism Sec. Wanda Teo.
Maging si Agriculture Undersecretary Berna Romulo ay natuwa sa kasuotan ng tribong Bagobo.
Anyway, sana sa susunod, lubusin na nila, fund-raising fashion show ng Mindanao tapestry na ang kikitain ay para makatulong sa rehabilitasyon ng Marawi City ganoon din sa unti-unting pagbabalik ng mga bakwit sa kanilang lugar at unti-unting muling pagbubuo ng kanilang buhay.
Ngayon sana ipakita ng mga fashionista na mambabatas na mayroon din silang compassion para sa mga kababayan natin at mga kapatid na Muslim na casualty ng labanan sa Mindanao.
Huwag naman puro pabonggahan at fashion pasiklab dapat may compassion rin kayo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com