Kahapon ng umaga pala, habang nag-aabang ng SONA ang sambayanan, isang insidente ang naganap sa Sta. Ana, Maynila na kung nalaman agad ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte e tiyak na may kinalagyan na itong nagpapakilalang member ng anti-terrorist council umano ng Malacañang.
Hindi natin alam kung bakit nandito sa Maynila ang miyembro ng Anti-Terrorist Council ng Malacañang at bakit wala sa Marawi?!
Pero ibang klaseng anti-terrorist ang nagpapakilalang taga-Malacañang, anti-terror pero napakahusay mang-terror ng isang pobreng street sweeper.
Aba lintik, hindi sinasadyang nawisikan lang ng tubig na may sabon ng street sweeper ang kanyang kotseng Suzuki Ertiga may plakang AAY 9292, mantakin ninyong agad inasikan ‘yung street sweeper.
Dahil sa angas ni ungas, sinagot siya ng street sweeper na kung ayaw marumihan ang kotse niya ‘e huwag iparada sa Plaza Hugo.
E ‘yung Plaza Hugo kasi, mga suki, ginagamit ng mga residente riyan sa umaga para sa kanilang Zumba hindi para maging garahe mo ungas na anti-terrorist kuno.
Pero dahil sumagot ang street sweeper, aba, mantakin ninyong bumunot ng baril ala “FPJ’s Ang Probinsyano” saka tinutukan ‘yung pobreng mama?!
Sa takot ng street sweeper tumakbo hanggang sa presinto, pero hinabol pa rin siya saka pagdating doon, sasapakin pa siya, mabuti na lamang at nakailag.
Sonabagan!!!
Doon naman sa Presinto 6, habang nagpapa-blotter ‘yung street sweeper, panay ang kuda ni anti-terrorist kuno at ipinagmamalaki na siya ay taga-Malacañang.
Lu-lu mo! (Pahiram po tatay Digong)
Bakit hindi mo gamitin sa Marawi ‘yang angas mo, kamote ka!
Wala kang alam kundi kayan-kayanin ang isang street sweeper?!
Bakit hindi miyembro ng Maute/ISIS group ang i-terrorize mo?!
Doon po sa presinto, nalaman ng street sweeper na hindi lang pala siya ang biktima niyang nagpakilalang si Domingo Malacat Jr.
Ultimo pala ang barangay chairwoman nila ay tine-terrorize rin ng nagpapakilalang Malacañang boy.
Nananawagan po kami sa Malacañang kung mayroon man kayong Anti-Terrorist Council at kung mayroon kayong tao na nagngangalang Domingo Malacat Jr., e paki-inform lang naman po si Pangulong Tatay Digong at ang AFP na roon siya dalhin sa Marawi at itapat sa mga sniper.
Masyado po siyang matapang para sa barangay nila sa Sta. Ana, bigyan po natin siya ng katapat.
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com