LIHIM na iniimbestigahan ng intelligence community ang posibilidad na may mole o espiya ang mga rebeldeng komunista sa hanay ng militar, lalo sa Presidential Security Group (PSG).
Ito ang sinabi ng source sa intelligence community kasunod ng pananambang ng NPA sa convoy ng PSG sa Arakan, North Cotabato noong Martes ng umaga.
Aniya, bahagi ng standard operating procedure (SOP) sa ano mang preparasyon sa presidential engagement/activity ang maglatag ng route security o ang pagtitiyak na lahat ng daraanan ng grupong may kinalaman sa aktibidad ay ligtas.
Mahigpit din aniya ang koordinasyon ng PSG sa lokal na pulisya at sa tropang militar sa erya kaya’t labis na nakapagtataka na nakapaglagay ng checkpoint ang First Pulang Bagani Company sa Arakan at nakapagpakalat ng may 100 puwersa sa lugar nang hindi na-monitor ng mga awtoridad.