NANAWAGAN ngayon si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos kay Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Floorleader Rudy Fariñas na huwag itago ang tinaguriang “Ilocos 6” kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa pagdating nito sa House of Representatives sa araw mismo ng State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Imee, hindi na dapat dagdagan pa ang paghihirap na nangyayari sa Ilocos 6 at hindi na dapat ilipat pa sila ng kulungan para lamang hindi makita ni Duterte ang tunay nilang kalagayan.
“Ano yan, ibabartolina pa nila ang Ilocos 6?! Para lang hindi sila mapahiya kay Pangulong Duterte, itatago nila ang mga walang kalaban-labang mga empleyado ko? Sobrang torture na ang ginagawa ni Fariñas sa kanila,” galit na pahayag ni Imee.
Sinabi ni Imee na batay sa kanyang impormasyon nagkukumahog umano ngayon ang House leadership kung paano nila maililipat ng kulungan ang Ilocos 6 upang maitago nila kay Duterte sa araw mismo ng SONA.
“Desperado na talaga itong si Fariñas. Para lang maitago ang kanyang pagkakamali, kahit na mamatay pa ang Ilocos 6 ay kanyang gagawin. Hindi na talaga makatao ang ginagawa nito,” galit na pahayag ni Imee.