ANG pagsulpot ng UBER at GRAB o transportation network companies (TNC) ay isang uri ng pag-unlad.
Pero huwag kalimutan na ang pagsulpot ng TNC ay inianak ng magkakaibang sitwasyon sa iba’t ibang bansa.
Dito sa ating bansa ang pagsulpot ng TNC ay iniluwal ng palpak at bulok na mass transportation system, kawalan ng trabaho, pagpasok ng sandamamak na auto companies at kabulukan sa sistema ng regularisasyon o pagbibigay ng prangkisa sa mga pampublikong sasakyan.
Ngayon, mainit na pinag-uusapan ang pagiging kolorum ng marami sa 56,000 units ng transportation network vehicles (TNVs).
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, masyadong agrabyado ang gobyerno dahil tanging TNC lamang ang kumikita at walang buwis na ibinibigay sa gobyerno ang nasabing sistema.
Pero hindi kombinsido ang publiko sa sinasabi ni Secretary Tugade lalo’t seguridad at kaginhawaan ng pasahero ang nasasaling sa isyung ito.
Simple lang naman ang punto ng commuting public, una, kung mayroong maayos na public transportation tiyak na walang tatangkilik sa TNCs.
Kung hindi abusado ang ilang taxi drivers at madalas ay nagagamit sa krimen, walang pasaherong maghahangad na umupa ng TNCs na UBER at GRAB.
Kung hindi mabaho, mainit, marumi at nanggigitata ang mga taxi, tiyak walang pasaherong gagastos para umupa ng UBER at GRAB.
Pero ang dapat tandaan ng publiko, kung hindi iniipit ng LTFRB ang pagbibigay ng prangkisa sa mga pampublikong sasakyan, hindi mamayagpag ang sinasabi nilang mga kolorum na UBER at GRAB.
Ito ngayon ang tanong, kailan pa napagtuunan ng pansin ng LTFRB ang TNCs?
Noong maramdaman nila na puwede palang magyaot ang TNVs kahit iniipit nila ang prangkisa?!
Ang kolorum ay kolorum. Labag sa batas ‘yan.
Pero ano naman ang tawag sa ahensiya ng gobyerno na nagiging pangunahing dahilan para mamayagpag ang mga sinasabi nilang kolorum na sasakyan?!
Sa ganang atin, walang karapatan ang LTFRB na tapusin ang seguridad at kaginhawaang naipagkakaloob ng UBER at GRAB sa commuting public kung hindi nila nagagampanan nang tama ang kanilang mga tungkulin.
Kung seryoso silang lutasin ang dumaraming kolorum sa lansangan, unahin nila ang mga illegal terminal. Kung sinasabi nilang 56,000 units na ‘yang TNVs, tama bang basta na lang pahintuin ang kanilang operasyon nang walang ibinibigay na alternatibo?!
Aba, e parang ibinulid ninyo sa kapahamakan ang mga pasahero lalo na ang call center agents na umaasa sa TNVs (UBER & GRAB) para makauwi nang ligtas sa kanilang tahanan at ganoon din sa pagpasok sa trabaho.
Huwag na natin isa-isahin ang mga naging biktima ng mga kriminal na ginagamit ang taxi para makapangsilo ng kanilang mga bibiktimahin.
Secretary Tugade, naniniwala tayo na wasto lang na protektahan ninyo ang buwis na para sa gobyerno pero dapat din ninyong maintindihan na ‘yang buwis na hinahangad ninyo ay mula sa commuting public na nasisiyahan sa seguridad at kaginhawaang ibinibigay ng UBER at GRAB, sa kabaliktaran naman ay nais ninyong pahirapan.
Panahon na para kastigohin ng Kongreso ang LTFRB!