PUWEDENG sabihin na maliit na detalye pero napakasimboliko ng ensignia ng Pangulo.
Kaya nga Sagisag ng Pangulo, ‘di po ba?
At sino ba ang Pangulo? O paano ba nagiging Pangulo ng isang bansa?!
Hindi ba’t inihahalal siya ng malaking bilang ng mga Filipino?
Ayaw sana natin ng sisihan, pero hindi ba’t ilang beses nang nangyayari ang ganitong kapalpakan lalo sa ating bandila na laging naipagbabaliktad ang asul at pula?!
Sa dami ng mga pinasasahod ng taongbayan na staff sa Malacañang, hindi ba puwedeng mag-assign ng tao para i-check ang mga batayang protocol nang sa gayon ay hindi ang Pangulo ang nasasalang sa kahihiyan?!
Oo maliit na bagay sa pumalpak pero ‘yang maliit na bagay na ‘yan ang dahilan kung bakit nagiging katawa-tawa ang Pangulo.
Alam naman ninyo kung gaano kalikot mag-isip ang mga upahang political operators, kapag nakasilip ng konting ‘spark’ ‘yang mga ‘yan, kaya nilang buhusan ng ‘gasolina’ para magliyab.
Ano ang gusto nating sabihin, maging maingat naman sana ang mga nakapaligid sa ating Pangulo, lalo na ngayong nahaharap sa Marawi crisis.
‘Yun man lang sinasabi nilang ‘maliliit’ na bagay ay huwag na silang sumablay.
‘Yan na nga lang ang magagawa ninyo sa ating Pangulo…sablay pa?!
Ang hirap kasi sa mga nakapaligid sa Pangulo, gusto laging ‘malaki’ kunwari ang responsibilidad pero hindi naman talaga ginagampanan ang obligasyon.
Gusto laging nakabuntot at sumipsip lang sa Pangulo.
Ano ba ang ginagawa ng mga ‘advance party’ ninyo? Hindi ba’t sila ang bumusisi ng mga bagay-bagay bago humarap ang Pangulo sa publiko?!
Aba, tumbasan ninyo ang tiwalang ipinagkaloob sa inyo ng Pangulo!

HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com