ANG pagdedeklara ng martial law sa Mindanao at ang patuloy na banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipataw ito sa buong Filipinas ay kahinaan ng kanyang pamunuan na tugunan ang mga suliranin ng bansa sa tamang paraan.
Ito ay isang pag-amin na rin ng kawalang kakayahang mag-isip at magplano nang matagalan upang masolusyonan ang ugat ng mga suliraning bumabagabag sa Mindanao at iba pang bahagi ng ating bansa. Ang martial law o batas militar ay pag-amin din ng kawalan ng tunay na suporta ng bayan at kakapusan ng tiwala ng administrasyon sa mamamayan, at ang maling pagkilala sa lakas ng karahasan bilang sandigan ng kapangyarihan.
Hindi nakukuha sa shortcut na kung tawagin ay batas militar ang sagot sa kahirapan ng bansa at kawalan ng katarungang panlipunan na siyang nagbunsod sa iilan na yapusin ang pundamentalismo tulad ng isinusulong ng kriminal na grupong Islamic State (IS).
Hindi ang nag-iisang si Superman ang sagot sa kahirapan kundi ang sama-samang pagkilos nang nagkakaisang bayan.
Bukod sa napakaliit ng grupong yumapos sa ideolohiya ng IS, na ginagamit na palusot para maideklara ang batas militar, ay mahihirapan ang mga taong ito na umani ng suporta mula sa ba-yan dahil sa likas na pagmamahal nating mga Filipino sa kalayaan.
Alam ng taong bayan na ang kanilang pagkatig sa grupong IS ay walang ibubungang mabuti dahil ito’y isang hakbang laban sa kalayaang mag-isip, magpahayag, kumilos, sumamba at magmahal, mga ugaling likas sa atin at nakalakihan nang bawat Filipino, mapa Muslim o Kristyano.
Maaaring sa maikling panahon ay magkaroon ng positibong epekto ang batas militar dahil sa hatid nitong mala-sementeryong katahimikan pero tiyak na ang pangmatagalang talab nito sa atin ay hindi maganda. Lalo lamang nitong palalalain ang kanser ng lipunan na una nang napansin ni Dr. Jose Rizal.
Palalaganapin ng batas militar ang militarisasyon at lalong maibabaon sa poder ang naghaharing oligarkiya na isa sa mga tunay na ugat ng kahirapan ng bansa, maliban sa panghihimasok sa atin ng mga dayuhan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan sa larangan ng ekonomiya, pulitika at sosyo-kultura.
Harinawa ay manaig ang wastong kaisipan sa mga mambabatas at sila ay bumangon para ilayo ang bayan sa kapahamakang dala ng pa-dalos-dalos na pagpapasyang ideklara ang batas militar. Sana ay tumindig ang Kongreso at sabihin kay Pangulong Duterte na walang bata-yan ang kanyang batas militar.
* * *
Magiging malupit daw ang martial law na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte, katulad ng idineklara ng pinatalsik na diktador na si da-ting Pangulong Ferdinand Marcos. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ang banal na bundok Makiling.
Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK