WASAK NA WASAK ang bus ng Panda Coach Tours and Transport Inc., nang mawalan ng preno at bumangga sa poste ng koryente sa pakurbadang daan patungo sa Magnetic Hill, Peligrino Farm, Sitio Bayukan, Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal. Patay ang driver ng bus na si Julian Lacorda, 37, at ang 14 estudyante ng Bestlink College Novaliches na nakatakdang mag-camping sa nasabing lugar. Umabot na rin sa 22 estudyante ang grabeng sugatan at nasaktan. (ALEX MENDOZA)
LTFRB AT DepEd magaling lang kapag may nagaganap na trahedya at sakuna
Jerry Yap
February 24, 2017
Bulabugin
HINDI lang siguro Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Education (DepEd) ang may ganitong sistema na kapag may nagaganap na sakuna o trahedya lang nagiging aktibo at naaalala ang importanteng tungkulin nila sa bayan.
Malaking porsiyento sa hanay ng mga ahensiya ng pamahalaan ay ganito ang sistema — REACTIVE lang sila.
Aaksiyon at muling ipaaalala ang mga polisiya kapag may isang malaking trahedyang naganap.
Gaya nga ng disgrasyang naganap sa Sampaloc, Tanay, Rizal na umabot sa 13 estudyante, driver at isang staff ng Bestlink College of the Philippines sa Novaliches, Quezon City ang namatay, on the spot, nang mawalan ng preno at bumangga sa poste ng koryente ang tour bus.
Ngayon biglang nagsalita si DepEd Secretary Leonor Briones tungkol sa mga patakaran nila sa field trips. Hindi raw nila kinikilala ang mga waiver na pinipirmahan ng mga magulang.
Puwede umano silang maglabas ng moratorium sa pag-oorganisa ng field trips ng mga paaralan.
At mahigpit daw na ipinagbabawal ang field trip sa mga mall at TV show.
‘Yun lang, wala tayong narinig kung ano ang gagawin para matiyak ang seguridad ng mga estudyante, kundi ‘yung kailangan daw may teaching staff at parent/s sa isang sasakyan.
Ang LTFRB naman, iinspeksiyonin daw ang lahat ng bus na inaarkila ng mga paaralan tuwing mayroong field trip. At kukuha rin muna ng permit sa kanila ang isang bus company na aarkilahin sa isang field trip.
Wattafak!?
E bakit ngayon lang n’yo ginagawa ‘yan?!
Hinintay pa ninyong may madisgrasya bago kayo kumilos?!
Totoong ang disgrasya o aksidente ay hindi inaasahan. Pero mayroon mga paraan para maiwasan ito o kahit paano ay ma-minimize ang epekto sa mga biktima. Wala rin naman mangyayari kung magsisihan man at ibunton sa iisang grupo o tao ang naganap na trahedya.
Sana lang huwag magturuan ang paaralan at ang may-ari ng bus kung kahit man lang sa pinansiyal na aspekto ay mapagaan nila ang hilahil ng mga pamilya ng mga biktima.
Karamihan po sa mga biktima ay mga kabataang nangangarap na makaahon sa kahirapan at makatagpo ng magandang trabaho kahit vocational technology ang kanilang kurso.
Ibig sabihin, nangungunyapit sila sa pagsisikap para magkaroon ng katuparan ang kanilang pangarap para sa kanilang pamilya.
Kaya mahirap talagang ilarawan kung ano ang sakit na nararamdaman ng mga naulilia nila.
Maging aral sana sa lahat ang nangyari sa Bestlink College. Lalo na sa mga paaralan na walang inisip kundi pagkakitaan ang field trips at ganoon din sa mga operator ng bus na walang pakialam sa kaligtasan ng pasahero basta’t magkamal lamang.
LTFRB Chief Martin Delgra at DepEd Secretary Madam Leonor Briones, sana hindi lang ngayon dapat kumilos?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap
Check Also
ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …
ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …
ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …
ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …
ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …