TAMA ba iyang SPG rating ng MTRCB sa telebisyon? Sinimulan iyang gamitin noong 2012, noong panahong ang chairman pa ng MTRCB ay si Senadora Grace Poe. Ang layunin ng rating ay ”mas mabigyang laya” raw ang mga palabas sa telebisyon sa gusto nilang ipakita.
Inamin din nila na iyan ay border line ng kanilang PG ratings, na ibig sabihin kailangang bantayan talaga nang husto ng magulang ang isang bata na nanonood ng SPG, o huwag nilang payagan ang mga anak nilang manood niyon.
Pero sa panahong ito, na karaniwang may mga TV sets maging sa kuwartong tulugan ng mga bata, paano mo nga ba sila magagabayan kung mapanood nila ang mga masasamang panoorin, lalo iyong malaswa na?
Nabanggit nga namin ang isang serye na ipinakitang nagtatalik ang mga kabataang bida sa isang serye sa loob ng isang kotse. Ang katuwiran ng producers, ”mag-asawa naman sila sa serye”. Ang sinabi noon ng chairman ng MTRCB na si Toto Villareal na natatandaan namin ay “they took the initiative to police their own ranks and gave it an SPG rating”. Pero noong maraming umalma sa social media, ipinatawag din nila ang mga may kinalaman sa show para sa isang ”gender sensitivity conference”.
Wala rin namang nangyari dahil ang kasunod, iyon mismong serye ring iyon, at iyon mismong mga artista ring iyon, nag-sex naman sa gubat. Ang katuwiran, SPG daw naman iyon. Oo SPG, pero hindi ba ninyo alam na ang mga artista sa serye ay mga teen idol, ibig sabihin pinanonood ng mga kabataan?
Kaya tama ang sinasabi ng bagong board member na si Mocha Uson. Kailangang alisin na iyang SPG para mas mapatino ang mga seryeng iyan at hindi na umaabuso. Tiyak tataasan ng kilay iyan ng mga executive ng network, at maging ng ilang members mismo ng MTRCB na nagtaas din ng kilay nang ilagay ni Presidente Digong Duterte si Mocha sa board. Pero sa napansin namin, si Mocha lang ang nakaisip na naabuso ang ratings na iyan kaya dapat na ngang alisin.
Ano ang magagawa ng isang member sa isang board na may 30 miyembro? Palagay nga namin ay wala, maliban kung mahihiya ang mga datihang members na isang baguhan pa ang unang nakapansin na naabuso na ang kanilang rating system. Siguro naman dapat silang mahiya dahil sila ay nasa isang “hold over” status na lang diyan sa board.
HATAWAN – Ed de Leon