LALONG magiging masaya ang Pasko ng mga tinaguriang “bagong bayani” o ang overseas Filipino workers (OFWs) dahil tax-free na simula sa 25 Disyembre ang balikbayan boxes na may laman na nagkakahalaga ng P150,000 pababa.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Bureau of Customs (BoC) Spokesman Neil Estrella, tapos nang plantsahin ng BoC at Department of Finance ang “implementing rules and regulations” sa Customs Administrative Order 05-2016 na nagtatataas sa halaga ng tax-exemption sa balikbayan boxes.
Mula sa P10,000 itinaas ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang tax exemption sa balikbayan boxes sa P150,000.
Ani Estrella, hindi bubuwisan ang laman ng balikbayan boxes basta personal at pang household lamang ang paggamit at hindi pang commercial o ibebenta.
Kasabay nito, gumawa ang BoC ng online OFW corner na maaaring pagsumbungan ng OFWs kapag nagkaroon ng problema ang kanilang ipinadalang balikbayan boxes, makikita aniya ito sa website na customs.gov.ph.
(ROSE NOVENARIO)