NANG nakahuntahan namin ang guwapitong si LA Santos, naibalita niyang na-move ang pag-release ng kanyang debut album. Nabanggit din niyang excited at gigil na siya sa paglabas ng kanyang album.
“Na-move po, gusto po nila February, Valentines…. Kasi ayaw po nila ng December kasi po maraming maka-clash. Hindi lang po yung sa music industry, pati na rin yung MMFF po. Tsaka sobrang busy ng mga tao dahil Pasko. ‘Tsaka para ma-promote nang husto at mapaghandaan,” kuwento sa amin ni LA.
Aminado rin si LA na excited na siya sa paglabas ng kanyang album. “Siyempre po nae-excite po ako, kasi siyempre nandoon na rin po yung… anong tawag doon? Parang hindi po ako makapaghintay na ma-launch na yung album, parang nanggigigil po ako na lumabas na yung album ko,” nakatawang pahayag pa niya.
Ang ilan sa cuts sa album lalabas niyang album ay ang Mine, Ms. Terror, One Greatest Love, Break-Up Day, at iba pa. Kasali rin dito ang When I Was Your Man ni Bruno Mars na orchestra ang nag-akompanya kay LA, Hanggang Kailan ni Angeline Quinto at Forever is Not Enough, ka-duet ng younger sister niyang si Kanishia Santos na isang napakahusay din sa kantahan.
Napag-usapan din namin nang maging guest siya sa isang gift giving event. “Kanina po as requested sa isang gift giving event po nina Mr. Hans Sy po at Mader Ricky Reyes, sa Child Haus po, pinakanta po ako.”
Enjoy ba siyang mag-perform para sa mga bata or charity event?
“Actually, kahit hindi naman po ako mag-perform, basta sa charities kasi, parang napaka-heartwarming po kapag nakikita kong nakakatulong ako sa mga tao. Kasi siyempre po, kaya rin po ako binlessed ni Lord para magbigay ng blessing din sa iba, para i-share yung blessings sa iba. Ito rin po yung reason kaya ginagawa ko po ’to sa showbiz, kumakanta po ako para makapagpasaya po ng mga tao. Masaya po kasi ako kapag nakakapagpasaya ako ng mga tao.”
Ano ang meaning ng Christmas para sa iyo? “Ang meaning po ng Christmas para sa akin, makasama lang po yung family ko, yun lang po yun para sa akin. Parang yun yung day na ramdam na ramdam ko yung pagmamahal ng pamilya ko po. Kaya parang kahit kailan, ayaw ko pong nami-miss yung Christmas. Ito po ang pinakamasayang araw sa buong taon,” nakangiting saad pa ni LA.
ALAM NA! – Nonie V. Nicasio