NO-SHOW si dating Pangulong Benigno Aquino III sa turn-over ceremony ng Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff samantala lahat nang naging commander-in-chief ay dumalo sa okasyon sa Camp Aguinaldo kahapon.
Nabatid kay AFP Spokesman Restituto Padilla, lahat ng nabubuhay na pangulo ng bansa ay pinadalhan ng imbitasyon para sa nasabing seremonya gaya nina Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lt. Gen. Eduardo Año bilang bagong chief of staff kapalit ng nagretirong si Gen. Ricardo Visaya.
May mga nagduda sa hindi pagsipot ni Aquino sa seremonya sa kasagsagan nang mainit na balitaktakan ng oposisyon at administrasyong Duterte makaraan magbitiw si Vice President Leni Robredo sa gabinete, imbestigasyon sa pagkakadawit ni Sen. Leila De Lima sa drug trade sa New Bilibid Prison (NBP), at aminin ng numero unong tagasuporta ng Liberal Party na milyonaryang Fil-Am na si Loida Nicolas Lewis na pabor siya na bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati, binigyan-diin ni Duterte, walang epekto sa kanya na tagurian siyang diktador at hindi rin siya nababahala sa mga pagkilos na pabagsakin siya.
Giit niya, habang nananatili siya sa poder at hanggang sa huling araw ng kanyang termino ay uubusin niya ang pinakahuling drug addict at papatayin niya ang pusher at drug lord.
Kahapon, hinamon ni Lewis si Duterte na magbitiw makaraan aniyang mabigo si Duterte na puksain ang drug menace sa loob ng anim na buwan gaya nang kanyang ipinangako.
Si Lewis ay isa sa sampung dayuhan na ilegal na nag-ambag ng campaign funds kay Robredo nang sumabak siya bilang congressional bet ng Camarines Sur noong 2013 elections.
Noong nakalipas na buwan ay isiniwalat ni Duterte na sina Lewis at American billionaire George Soros ang nagpopondo sa malawakang black propaganda para ipinta ang kanyang imahe bilang kriminal sa buong mundo bunsod ng kanyang drug war.
Nabatid na ang Human Rights Watch ni Soros ay nakatanggap ng $100-M grant mula sa Amerikanong bilyonaryo noong 2010 at naghahanap ng mga target na personalidad para itambol ang kanilang human rights propaganda.
“You know extra-judicial killing, ngayon ang Amerikano nakisali, e maraming mga sosyal dito mga NGO na funded diyan sila. Itong Human Rights Watch ng New York, kay Soros iyan. Soros, iyong financier. Siya iyan, grant niya iyan. So dito, mayroon silang funding money maghahanap talaga sila to justify. Ako ang nakuha nila, they pound… they pounding on me,” ayon sa Pangulo.
(ROSE NOVENARIO)
EX-ISAFP HEAD NEW CHIEF OF STAFF
ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lt. Gen. Eduardo Año bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang kinompirma ng isang source mula sa Palasyo na may alam tungkol sa appointment ni Año.
Si Lt. Gen. Año ay kasalukuyang commanding general ng Philippine Army.
Dati siyang nagsilbi bilang pinuno ng Intelligence Service of the Philippines (ISAFP) mula 2012 hanggang 2014.
Papalitan ni Lt. Gen. Año si AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya na nagretiro kahapon.