NABIGLA at labis na nalungkot ang talented na singer/comedian na si Mojack sa pagkamatay ng matalik na kaibigang si Blakdyak. Ayon kay Mojack, bukod sa pagiging kaibigan at impersonator ni Blakdyak, malaki rin daw ang naitulong sa kanya nito sa showbiz.
“Nang makita ko ang post ng isa kong friend na reporter ng ABS CBN na-Blakdyak natagpuang wala ng buhay sa kuwarto-napasigaw ako sa sinasakyan ko at kinumpirma nga sa akin iyon. Umiyak na ako kasi, kakatawag lang niya (Blakdyak) tapos ganoon mangyayari. Kaya parang ang hirap po paniwalaan ng nangyari, eh. Kapatid ang turingan namin niyang si Blakdyak,” malungkot na kuwento sa amin ni Mojack.
Si Blakdyak ay natagpuang patay kamakailan sa inuupahang apartment sa Sampaloc, Manila. Isa si Mojack sa huling naka-usap ni Blakdyak bago ito namatay.
“Noong tumawag si Kuya Joey (Blakdyak) sa akin ng Nov. 16 ng gabi via msgr malungkot ang boses niya, ang sabi niya lang sa akin, ‘Bro bigyan mo kami number mo ng ate mo (Twinkle).’ Sagot ko kay Kuya, ‘Di mo talaga mari-reach ang number ko pero di ako nagpalit, nandito kasi ako sa Japan.’ Sabi pa niya, ‘Usap kayo ng Ate Twinkle mo, kailangan ka namin.’ Sagot ko, ‘Wala po talaga ako dyan kuya sa ‘Pinas, dito ako Japan.’
“Sa nangyari sa kanya, para akong nabalian ng pakpak. Kasi talagang mabait iyang si Kuya Joey, di ka niya dadalhin sa masama at ipagtatanggol ka niya sa lahat. Tatawa lang siya ‘pag may naririnig, pero masama ‘pag nagalit. Blakdyak and me po ay talagang turingan namin is magkapatid, kasi halos kung ano ang mayroon siya, sini-share niya sa akin at kung ano ang mayroon ako ay i-share ko rin sa kanya-specially sa mga personal things namin.
“Gustong-gusto kong umuwi ng ‘Pinas ngayon, pero alam ko maiintindihan iyon ni kuya dahil pareho kaming nasa industriya na the show must go-on, para ‘di masira sa mga napangakuang trabaho,” malungkot na saad pa ni Mojack.
Nasa Japan ngayon si Mojack at nagbibigay ng saya roon sa mga show na karamihan ay mga OFW ang audience. Balak daw ni Mojack na magkaroon ng show for a cause para sa mahal na kaibigang si Blakdyak.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio