Saturday , April 26 2025

Libreng med school, telemedicine ng Medgate PH (Sagot sa kakulangan ng doktor)

120616_frontSA gitna ng halos isang milyong kakulangan sa doktor upang pagsilbihan ang papalaki pang populasyon ng bansa na mahigit sa isandaang milyon na sa kasalukuyan, itinutulak ngayon ang pagsasabatas ng panukalang magbibigay ng scholarship sa mga estudyante ng medisina at telemedicine services upang masiguro na naaabot ng agarang serbisyong medikal ang bawat mamamayan sa bansa.

Matapos ipadala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Cuba upang pag-aralan ang health care system doon, ibinunyag ni Health Secretary Dr. Paulyn Jean B. Rosell-Ubial na isang manggagamot ang nakalaang magsilbi sa bawat 1,075 pasyente sa nasabing bansa – malayo sa doctor-patient ratio sa Filipinas na isang doktor sa bawat 33,000 katao.

Ayon kay Ubial, ang mataas na matrikula sa medical school at ang haba ng panahong kinakailangan upang magtapos sa kursong medisina ang pumipigil sa maraming Filipino na maging ganap na manggagamot.

“Halos 2,600 lamang ang nagiging doktor sa bansa kada taon. Sa ngayon, napakahirap kumuha ng kursong medisina rito,” daing ni Ubial.

May nakabinbing mga panukala sa Senado na magtatatag ng malawakang scholarship program sa kursong medisina upang palaguin ang bilang ng mga manggagamot sa bansa. Ang Senate Bill 2717 ni Sen. Sonny Angara ay nagpapanukalang magbigay ng scholarship sa isang karapatdapat na estudyante kada probinsiya sa University of the Philippines College of Medicine (UPCM).

“Ayon sa datos ng UPCM, halos 80% ng kanilang mga graduate ay nangingibang-bansa upang doon manggamot. Nakalulungkot na sampung taon na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga doktor na nag-a-abroad. Makikita ang implikasyon nito sa kawalan ng mga doktor para sa mahihirap nating mga kababayan,” ayon kay Angara.

Kapag naisabatas, bawat magtatapos ng medisina sa ilalim ng nasabing programa ay kinakailangan magsilbi sa mga provincial hospital nang limang taon.

Ayon kay Robert Parker, Chief Executive Officer ng Medgate Philippines sa bansa, ang mga ganitong programa “ay mabisang long-term solution sa kakulangan ng mga doktor sa Filipinas.”

“Ang problema lamang, ang pangangailangan sa libo-libong mga doktor ay hindi magtatapos nang ganoon kadali. Sa laki at dagli ng problemang ito, kailangan nating maghanap ng agarang alternatibong paraan upang ibsan ang epekto ng kakulangan sa manggagamot, lalong-lalo sa kanayunan na pailan-ilan lang ang mga doktor,” diin ni Parker.

Isang opsiyon, ayon kay Parker, ang telemedecine na gumagamit ng electronic communications upang magpalitan ng mahahalagang impormasyong medikal at datos-pangkalusugan upang magkonsulta at manggamot ng mga pasyente. Ang Medgate Philippines ni Parker ay pangunahing kompanya sa mundo na nagbibigay ng serbisyong medikal sa paraan ng telemedicine na malawakang pinakikinabangan ng mga pasyente sa Switzerland, sa mga bansa sa Middle East, Australia at Filipinas.

“Sa ilang kanayunan sa Filipinas, may mga doktor na nagsisilbi sa mahigit 20,000 katao. Ibig sabihin, kailangan maghintay nang matagal sa mahabang pila para makapagpakonsulta lamang,” paliwanag ng Medgate Philippines Medical Director na si Dr. Arlene Claudio.

“Binibigyan ng telemedicine ang lahat ng may cellphone ng pagkakataong makipag-ugnayan sa isang doktor – 24 hours a day, seven days a week – saan ka man at anomang oras na kailanganin ang serbisyo nito kapag may karamdaman.”

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

DOST Region 02 Secures Licensing for Three Technologies at 2025 North Luzon Tech Transfer Summit

Region 02 Secures Licensing for Three Technologies at 2025 North Luzon Tech Transfer Summit

Baguio City — The Department of Science and Technology (DOST) Region 02 further strengthened its …

Tondo Fire

Sa Maynila
2 mataong residential areas nilamon ng higanteng sunog

TINUPOK ng dalawang malaking sunog ang dalawang residential area sa Tondo at Port Area, sa …

Arrest Posas Handcuff

Sa Marilao, Bulacan
Wanted na rapist timbog

NADAKIP sa pinaigting na manhunt operations ng Bulacan PPO ang isang lalaking nakatala bilang No. …

Anglees Pampanga PNP Police

P.2-M pabuya sa makapagtuturo sa pumatay sa turistang Koreano

NAG-ALOK ang Korean Association Community of Angeles City ng P200,000 pabuya sa sino mang makapagbibigay …

TRABAHO Partylist nanawagan magpatupad ng Safety Adaptation Plan para sa mangagawa

TRABAHO Partylist nanawagan magpatupad ng Safety Adaptation Plan para sa mangagawa

MULING nanawagan ang TRABAHO Partylist sa mga pampubliko at pribadong sektor na bumuo at magpatupad …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *