NAKASUOT na siya ng T-shirt na dilaw, na karaniwang suot ng mga detainees sa jail, naka-suot na ng tsinelas. Binigyan naman siya ng unan, pero kasama siya sa selda ng mahigit na 100 iba pang detainees sa Angeles City district jail. Kagaya rin ng ibang detainees, ang maibibigay lang na pagkain sa kanya sa jail ay may budget na P50 sa isang araw. Iyan ang kalagayan ng actor na si Mark Anthony Fernandez ngayon.
Pero siyempre may ibang nangyayari. Ipinagdadala naman siya ng pagkain ng kanyang mga dalaw na siya niyang kinakain. Halos araw-araw ay naroroon ang kanyang inang si Alma Moreno sa mga oras na pinahihintulutan ang dalaw. Kung hindi man, ang kanyang abogado naman ang naroroon.
Kung iisipin mo, mas maganda ang kalagayan niya sa station 6, na inilagay siya sa isang maliit na kulungan pero may sarili siyang CR, at wala siyang ibang kasama roon. Hiniling nila sa korte na ilipat siya sa provincial jail, pero hindi napagbigyan iyon ng korte dahil ang mga kaso niya ay nakasampa sa Angeles City RTC, kaya sa halip nalagay siya sa district jail.
Sinasabi ni Mark na gusto niyang sa provincial jail na lang siya dahil at least doon ay makapaglalakad siya, at maaari pang maglaro ng basketball, pero nalagay nga siya sa district jail na maski siguro pagtulog niya hindi niya alam kung anong puwesto. Ganyan naman ang dinaranas ng lahat halos ng mga detainee, lalo na ngayong hindi na puwede ang mga VIP dahil nabuko na ang nangyayari sa Muntinlupa.
Lahat sila ay nagpapahayag ng panghihinayang sa sinapit ni Mark. Lahat naman sila ay nagsasabing “mabait na bata iyan”.Iyon nga lang kahit na ang mga mababait, kung minsan ay nagkakamali rin naman. Iyong nangyari kay Mark, dinarayo ng media hanggang sa Pampanga. Sina Sabrina M at Krista Miller hindi halos napapansin samantalang sa Quezon City lang nakakulong.
Ano naman kaya ang mangyayari sa kasunod na sikat na madarampot?
HATAWAN – Ed de Leon