CONCERNED lang naman siguro si Congresswoman Vilma Santos sa kanyang mga kapwa artista nang sabihin niyang hindi siya pabor sa basta na lamang ibunyag ang mga pangalan ng mga artistang pinaghihinalaang sangkot sa droga. After all, sabi nga ni Ate Vi, karamihan naman sa mga iyan ay mga “user” lamang na siguro kailangan ngang tulungang magpa-rehab. Hindi naman sila mga “pusher” na talagang sangkot sa bentahan ng droga.
Iyong listahan ay sinasabing nabuo nga ng NCRPO base sa mga nasabi ng radio DJ na si Karen Bordador at ng kanyang boyfriend na si Emilio Lim na kapwa nahulihan ng droga matapos na ituro ng ilan pang pushers na siya nilang supplier at supplier din umano ng mga artista lalo na sa Makati at Taguig.
Iyong iba naman ay nagmula rin umano sa ibang nahuling mga pusher at tinitingnan din daw nila ang nakuhang cell phone ng napatay na kapatid niMaritoni Fernandez na sinasabing nagtutulak din sa mga celebrity.
Pero maliwanag naman ang sinasabi ng NCRPO. Nasa kanila ang listahan pero iyon ay isang “unverified report”. Ibig sabihin iniimbestigahan pa nila kung totoo iyon at kung malalamang totoo, siguro nga ay makakakuha na sila ng arrest warrant laban sa mga verified na gumagamit ng droga na nasa listahan. Gayunman, open sila na kung may nasa listahan na gustong sumailalim sa drug test na lehitimo para malinis ang kanilang pangalan, ibig sabihin ay isang lehitimong drug test na nasa ilalim ng supervision ng PNP, NBI o PDEA at hindi iyong gawa lamang ng mga pribadong medical laboratory na walang legal supervision. Sinasabi ring hindi sila bilib sa urine test, dahil lumiban lang sa paggamit ng droga ng tatlong araw wala nang makikita roon. Mas gusto nila iyong blood test.
Tingnan natin ngayon kung sino ang mauuna.
HATAWAN – Ed de Leon