MAY mga nagsasabi na karamihan sa malalakas na leading men ay may edad na, kagaya nina Richard Gomez at Aga Muhlach. Kung hindi naman ay mga bata pa, kagaya nina Daniel Padilla, James Reid, at Alden Richards. Wala raw tayong mga leading man na middle age na hinahabol pa rin ng fans.
Mukhang nagkakamali ang nagsasabi ng ganyan. Mukhang nakalilimutan nila na nariyan pa si Jericho Rosales, na bukod sa mahusay ay marami pa ring fans. Ang problema nga lang kay Jericho, paminsan-minsan lamang kung gumawa ng mga proyekto. Kaya nga ngayon, marami ang naniniwala na magiging paboritong serye sa telebisyon iyong MagpahanggangWakas, dahil siya ang bida.
Isang love story iyang Magpahanggang Wakas. May mga eksena ring medyo sexy ang dating, at sinasabi nga nila walang ibang makagagawa niyan sa ngayon kundi si Jericho. Kailangan diyan iyong character na hindi lang magaling umarte pero puwede ring maging daring. Kahit na nga sinasabi ni Jericho na kung minsan naiilang na rin siya dahil marami siyang mga eksenang nakahubad ng pang itaas lang naman, at least nagagawa pa rin niya.
Iyang mga ganyang klase ng serye, iyan iyong kagaya ng mga teleserye mula sa Mexico noong araw na sumikat sinaEduardo Capetillo at Fernando Carillo na gumawa pa ng isang teleserye rito sa Pilipinas. Sino nga ba ang makagagawa ng ganoong role sa ngayon maliban kay Jericho?
Bagamat masasabi nating malakas din naman ang dating ng kanyang leading lady na si Arci Munoz, hindi maikakailang ang kuwento ng seryeng iyan ay dadalhin ng leading man. Sa kanya iikot ang istorya, mula sa pagtatanggol niya sa kanyang girlfriend,hanggang sa makulong siya, hanggang sa inakala nilang pagkakapaslang sa kanya at sa kanyang pagbabalik.
Pero palagay naman namin, maganda ang kalalabasan ng seryeng iyan.
HATAWAN – Ed de Leon