NAKAPAGPA-CHECK na nga sina James Reid at Anne Curtis. Pareho naman silang lumabas na negatibo sa droga. Magandang balita iyan dahil dati ay may mga intriga na nagli-link sa kanila sa masasamang bisyo. Tested sila para sa dalawang klase ng droga. Ang nag-test ay isang pribadong medical laboratory sa Mandaluyong City. Understood kung bakit doon, kasi malapit iyon sa office ng kanilang management company, iyong Viva Artists.
Iyan ding medical laboratory na iyan, na may branch naman sa Quezon City ang siya ring nagsagawa ng test noon kay Claudine Barretto, na lumabas ding negatibo sa droga. Ang sinasabing ginagamit nilang sistema ay ang “test kit”.
Hindi rin namin alam kung sino naman ang nag-test doon kina Jake Cuenca, Diego Loyzaga, Enrique Gil at iyong sinasabing 40 iba pang talents ng ABS-CBN. Kasi maliban din sa tatlo, wala naman silang binanggit kung sino-sino ang 40 na iyon. Basta ang sinabi lang nila negatibo ang tatlo. Hindi sila nagsabi kung may positibo sa 40 iba pa. Hindi rin nila sinabi kung sino ang gumawa ng tests. Basta ang sinabi nila, sila ang nag-supervise ng testing.
Nagsabi rin namang nakahandang magpa-test din si Daniel Padilla. Malakas ang loob ni Daniel dahil wala naman talaga sa hitsura niyan ang gumagamit ng droga. Pero sana kung magpapa-test sila, roon na sa lehitimo at talagang masusing testing. Ang gumagawa lang niyan ay ang PNP Crime lab, ang PDEA, at ang NBI. Sila lang ang may facilities na ganyan katindi.
Kaya nga sinasabi namin na sa lahat ng nagpa-test, kung kami ang tatanungin, pinaka credible si Luis Manzano na nagtungo mismo sa PNP Crime Lab at si Patrick Garcia na nagpa-test sa NBI.
Sana iyong iba pang mga artistang magpapa-test, magpunta na lang sa PNP o sa NBI para wala nang kaduda-duda sa kanila. Hindi rin pinaniniwalaan ang “self testing”.
HATAWAN – Ed de Leon