HINDI nagsasalita si Robin Padilla tungkol sa mga appointment ng mga artista sa mga posisyon sa gobyerno. Hindi rin niya binabanggit ang sinasabing pending niyang absolute presidential pardon. Akala naming, noon pa ayos na ang kalagayan niya, hindi pa pala.
Iyon palang ibinigay sa kanya noon ni Presidente Fidel Ramos ay conditional pardon lamang, parang parole. Natapos na ang prescribed period niyon, noon pang 2003 at noon pa ay maaari na siyang humingi ng absolute pardon, pero hindi niya ginawa. Ayaw din kasi ni Robin na masabing ginagamit niya ang kanyang personalidad para makakuha ng advantage para sa kanyang sarili.
Nakulong siya dahil sa kaso ng illegal possession of firearms noon. Iyon namang mga baril na iyon ay hindi ginagamit sa pakikipag-away. Ginagamit niya iyon bilang props sa kanyang mga pelikula. Gayunman, tulad ng mga nahuhuli sa tanim bala, kahit na wala siyang balak na manggulo, bawal ang pagdadala ng ganoong armas. Nakulong si Robin ng tatlong taon. Hindi siya humingi ng tulong sa noon ay Presidente Ramos na alam naman ng lahat na ipinagkampanya niya nang todo.
Ngayon ayaw din niya, dahil ikinampanya niya si Presidente Rodrigo Duterte. Sa halip na iyon, ang inilalaban ni Robin sa ngayon ay iyon namang mapansin ng mga namumuno sa gobyerno ng napakataas na tax na isinasampal sa mga artista at industriya ng pelikula. Pero wala nga namang nakukuhang kapalit ang industriya, maliban sa kaunting kinikita sa film festival, dahil ang dami nang naghahati sa kita niyon. Nakikihati pa ang Optical Media Board at maging ang social fund ng Office of the President.
Hindi naman sinasabi ni Robin na bawasan ang tax ng mga artista. Ang hinahanap niya, sana naman magkaroon ng kahit na anong social fund para sa mga artista, lalo na iyong mga matatanda na at mga maysakit. Tama ang sinasabi ni Robin, ”kawawa naman ang mga artista.”
HATAWAN – Ed de Leon