NAKALULUNGKOT isipin ano, si Lilia Cuntapay na tinatawag pa nila ngayong “queen of horror movies” ay hindi nabigyan ng treatment na para sa isang reyna noong nagkasakit na siya. Kailangan niyang manawagan sa kanyang mga kasamahan sa trabaho na kumikita pa, para tulungan siya dahil hindi na rin niya makayanan ang gastos sa kanyang pagpapagamot, hanggang sa namatay na nga rin siya.
Wala ka namang aasahan eh, hindi rin naman malaki ang talent fee ni Aling Lilia. Iyang mga artistang support lamang, naku iyan ang mga binabarat ang talent fee, at kung bayaran iyan ay per day lamang. Sisiguruhin pa ng direktor na kung maaari tapusin lahat ng eksena niya ng one day lang.
Wala talaga tayong sistema kung paano matutulungan ang mga manggagawang ganyan sa industriya. Iyong Mowelfund na dapat gumagawa niyan, kinakapos na rin sa pondo. Ang inaasahan niyon ay iyon lang kita ng festival, at ano nga ba ang natuklasan natin lately, pinasampahan ng kaso sa Sandigang Bayan ang ilang opisyal ng MMDA na tumanggap ng milyong pisong “cash gifts” mula sa kita ng festival, at may pinagkagastahan pa silang hindi maipaliwanag na “cultural programs”.
Talagang nakalulungkot na sitwasyon ang ganyan.
HATAWAN – Ed de Leon