MALAKING upset ang ginawa ng newcomer na si Hasmine Killip, lead actress sa Pamilya Ordinaryo nang maungusan niya sa Best Actress category ang mga premyadong aktres na sina Nora Aunor at Judy Ann Santos sa katatapos lang na 12th Cinemalaya Independent Film Festival.
Ginawa na rin ito noon ni Therese Malvar sa pelikulang Ang Huling Cha-Cha ni Anita sa 2013 Cinefilipino filmfest, pero doon ay si Nora lang ang nakatapat niya. Sa kaso ni Hasmine, dalawang bigatin ang nakatapat at tinalo niya, sina Nora at Juday.
Sa naturang pelikula ay gumanap si Hasmine bilang si Jane na ‘asawa’ ni Aries (Ronwaldo Martin). Sila’y mga teenage parents na nakatira sa bangketa at nabubuhay sa pagnanakaw. Pinamahalaan ni Eduardo Roy, Jr., kabilang sa mga nakuhang awards nito ang Best Editing, Best Direction, Best Film, NETPAC Prize winner, at Best Performance of an Actress para kay Hasmine.
Ayon kay Hasmine, ni hindi raw sumagi sa isip niyang tatalunin sina Nora at Juday. “Naku, hindi po! Never kong in-imagine yun! Kasi, ano naman laban ko po eh baguhan lang naman ako? Sa totoo lang po, fan nila ako. Sobrang galing kasi nila.
“Ewan ko nga ba, bakit ako nanalo, hindi ko naman hinangad ‘yun. Pero salamat pa rin at nagustuhan nila ang akting ko, hehehe.”
Ano ang masasabi mo sa iyong director dito at sa leading man mong si Ronwaldo?
“Sa direktor ko, napakabait niya na pinatira pa ako sa bahay nila at pinagluluto pa kami ng pagkain ng lola ko. Kaya sobrang salamat talaga sa kanya. ‘Tsaka kung hindi dahil sa kanya, hindi siguro ako makikilala.
“Kay Ronwaldo naman na kakulitan ko, napakabait niya at down to earth. Sobrang saya niya katrabaho.”
Nasaktan ka ba sa mga batok ni Ronwaldo sa iyo sa pelikula ninyo?
Tumawa muna siya bago sumagot, “Siyempre po, totohanan kami sa mga ganoong eksena. Pero pinag-usapan namin yun, pati mga pagtadyak at sampal ko, solid po talaga. Kasi kailangan, pero pagtapos naman niyon, naghaharutan ulit kami at nag so-sorry naman.”
Nang nalaman mo na ikaw ang gaganap na Jane, ano ang na-feel mo?
Sagot niya, “Sobrang saya at excited, siyempre bida, eh. Hahaha!”
Sa August 31 ang regular showing ng Pamilya Ordinaryo at hindi ito dapat palagpasin.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio