GUSTO naming mahulog sa kinauupuan, nang marinig naming iyon daw tickets sa gagawing Miss Universe sa susunod na taon sa Pilipinas ay halos P40,000. Iyong doon sa general admission, ibig sabihin makikita mo man ng live, halos galanggam na lang ang tao sa layo mo, mahigit pa ring P3,000 ang tickets. Kung iisipin mo, bakit nga ba ganoon samantalang habang isinasagawa iyan ay maraming mga taong sigurado ang kinakain lamang ay instant noodles na nilagyan ng maraming sabaw para magkasyang ulam ng isang buong pamilya.
Pero ang mga Pinoy na masyadong mahilig sa ganyang garbo, at tiyak na ang event na iyan ay pag-uusapan sa media, at tiyak din ang payabangan sa social media tungkol diyan sa Miss Universe. Ngayon pa nga lang nagsisimula na eh. May nagsasabi nang kukuha siya ng ticket na super VIP.
Ano nga ba ang kaibahan niyan sa ibang beauty contests, kabilang na ang ginagawa sa mga barangay at sa mga beer house? Wala rin.
Iyong kauna-unahang Miss Universe sa Pilipinas noong 1974, kasama na kami sa coverage niyon. Nanalo ang noon ay Miss Spain na si Amparo Munoz. Talo ang candidate nating si Guada Sanchez. Matinding pagod ang coverage noon at pagkatapos naisip namin, ano nga ba ang katuturan ng pagpapagod na iyon? Wala rin naman. Kinabukasan, balik na naman sa dating buhay. Pero noong panahong iyon marami sa mga sumali sa Miss Universe ang nagtagal pa, o nagbalik sa Pilipinas para gumawa ng pelikula. Sumikat noon si Maureen Ava Viera, o Miss Aruba, na nakagawa pa ng pelikula dito na ang leading man ay ang basketball player na si Francis Arnaiz.
Nagbalik din sa Pilipinas ang noon ay runner up na si Helen Morgan ng UK. Gumawa rin siya ng pelikula sa Pilipinas. Iyang si Helen ay nanalo ring Miss World noong taong iyon, pero naalisan ng korona nang malaman na hindi na pala siya dalaga. May anak na siya noon.
Iniiwas-iwasan nila noon iyong Miss Senegal, pero pinagkaguluhan din nang malaman nilang siya pala ay isang prinsesa sa kanilang bayan.
Marami kaming kuwento riyan sa unang Miss Universe sa Pilipinas, pero pagkatapos nga niyon ay ano pa? O baka naman talaga kasing wala lang kaming hilig sa mga beauty contest.
HATAWAN – Ed de Leon