FULL FORCE ang Team BG Productions International sa Mister United Continents 2016 na ginanap sa Tanghalang Pasigueño. Ang lady boss ng BG Productions International na si Ms. Baby Go ang Chairman of the Board dito. Kasama bilang judges ang mga taga-BG Productions na sina Dennis Evangelista, Romeo Lindain at Direk Neal ‘Buboy’ Tan.
Tila nagiging suki si Ms. Baby ng mga ganitong patimpalak. Patunay lang ito kung gaano kahalaga kay Ms. Baby ang sining. Bukod kasi sa paggawa ng advocacy films, isa rin siyang art collector. Katunayan, may sarili siyang art gallery sa tabi ng kanyang office sa Shaw Boulevard.
“Natutuwa naman ako at naiimbitahan ako sa mga ganyan, bale twice na iyan. Actually, dapat ay tatlo na iyan, may isa pang college sa Cavite na magiging judge rin dapat ako, kaya lang ay nasa US ako, kaya hindi ako nakapunta. Nagugulat nga ako dahil kilala nila ako,” panimula ni Ms. Baby.
Dagdag pa niya, “Basta ako ay masaya sa mga pelikulang ginagawa ko. Nananalo kami ng awards, pati sa international. Tapos ngayon, yung movie namin na Area at Iadya Mo Kami, kasali na naman. May mga movie rin kami na bibilhin ng TV network, bale tatlo siguro iyon.
“Sabi ko nga sa mga directors ko, natutuwa ako sa mga project namin kaya lalo pa nila akong tulungan. Hindi na ako kukuha ng ibang dirctors sila na lang. Sila Direk Joel (Lamangan), Direk Neal Tan, Louie Ignacio at iba pa.”
Anyway, sixteen finalists ang naglaban-laban dito mula sa iba’t-ibang bansa kabilang ang Pilipinas, Canada, Malaysia, United Kingdom, Thailand, Vietnam, India, Myanmar, at iba pa. Itinanghal bilang 2016 Mister Continents si Mohit Singh ng India. Siya ay isang lisensiyadong electronics and communications engineer. Graduate siya sa YMCA University of Science and Technology sa Faribadad sa Haryana, India.
Ang iba pang nanalo ay sina Mark Redfearn, mula United Kingdom bilang first runner-up, Vo Hoang Tuan ng Vietnam bilang second runner-up, Thu Ra Nyi Nyi mula sa Myanmar bilang third runner up, Peter Jovic mula Thailand bilang fourth runner up, Kian Siok Chin mula sa Borneo para naman sa fifth runner up honors. Nanalo naman si Le Ngo Bao Viet mula sa Vietnam bilang 2016 Master United Continents.
Nagsilbing hosts sa event sina Miss United Continents Philippines 2015 Anabel Christine Tia at Mister Real Universe-Philippines 2015 Mark Andrew Guerta Baron.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio