ANG komedyanteng si Atak Araña ay isa sa casts ng pelikulang The Escort ng Regal Films. Ito ay pinagbibidahan nina Derek Ramsay, Christopher de Leon, Love Poe, Albie Casiño, at iba pa, mula sa pamamahala ni Direk Enzo Williams. Ang papel niya rito ay best fiend ni Lovi at ayon kay Atak, sobra niyang na-appreciate ang kabaitan at pag-alalay sa kanya ng mga bida rito.
“Noong una ay nanibago or nailang ako, pero hindi lang pala sila magagaling, ang babait pa nila,” saad niya.
Dagdag ni Atak, “Lahat sila ay hindi ka mahihirapang katrabaho, kasi ay gina-guide ka nila. Kunwari, parang medyo nagha-hang ka nang kaunti or parang ‘di mo mai-deliver agad-agad ang line mo, ‘yung parang may nerbiyos kasi sa umpisa, pero talagang aalalayan ka nila at iga-guide.”
Si Christopher inalalayan ka rin ba? “Oo, at saka ano, tumitingin siya talaga sa mata, kaya nakakaloka. E ako, minsan ay nahihiya akong tumingin sa mata niya, nahihiya ako kapag hindi ko pa nakakatrabaho, e. Sabi ko, ay sobrang galing ng taong ito. Kaya nang nag-dialogue na ako, tumingin na rin ako sa mata niya, parang kumabaga ay naka-connect ako sa kanya.”
Bukod sa pelikula, regular na napapanood din si Atak sa Sunday PINASaya ng GMA-7 at may concert siyang pinamagatang ATAK-Another Totally Amazing Konsert sa October 14 sa Music Museum. Guest niya rito ang buong Hashtags, Boobay, D’ Divas at may special suprise guests pa.
Ano ang masasabi mo na kaliwa’t kanan ang project mo ngayon?
Sagot niya, “Sana ay magpatuloy, kasi after nito, next month ay sa Viva Films naman ako gagawa ng pelikula, ‘yung Working Berks at may isa pa sa pa akong show sa ABS CBN na pinagbibidahan ni Alex Gonzaga.
“So, nakikita ko talaga na ginagabayan pa rin ako ni Direk Wenn Deramas, hindi niya pa rin ako pinapabayaan. So, lahat ng itinuro niya sa akin noon, talagang nagagamit ko ngayon. Walang araw talaga na hindi ko naiisip si Derek Wenn. Kapag papunta pa lang ako sa set, nagpe-pray na agad ako at kinakausap ko si Direk na i-guide nya ako lagi,” wika pa niya ukol sa kanyang kaibigan at mentor.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio