BAGAMAT sinasabi rin namin na nagsisimula nang mag-settle ang popularidad ng AlDub, meaning wala na ang dating euphoria noong araw, hindi naman kami naniniwala na masasabi ngang bumaba ang kanilang popularidad. Siguro mas magandang sabihin na nariyan pa ang kilig, hindi na nga lang nanggigigil ang kanilang fans.
Noong araw, i-lip synch lang ni Alden Richards iyong God Gave Me You, namimilipit na sa excitement ang kanilang fans. Ngayon iyong statement niya noong isang araw na, “ikaw ang nag-iisang Maine sa buhay ko” ay parang natapos ng ganoon na lamang. Para kasing sinabing bale wala rin dahil talaga namang nag-iisa si Maine. Mayroon pa bang ibang Maine ngayon sa showbusiness?
Noong araw, hinarangan pa sila ng plywood noong magkikita na sana, umabot iyon ng 23 million tweets. Noong finally magkita sila, napuno iyong Philippine Arena at umabot iyon sa 46 million tweets. Noong isang araw, hinalikan pa ni Alden sa noo si Maine, kinabukasan ay trending pa rin naman pero ang nakalagay sa Twitter ay 62.1 thousand tweets lamang.
Iyong pelikula nila, walang dudang kikita iyan. Pero kung nasabay iyan noong kainitan ng kanilang popularidad, baka sampung doble ang kinita niyan.
Ano ang ibig naming sabihin? Kailangang mag-re invent na sila ng kanilang love team. Kailangang may gawin naman silang naiiba na. Tapos na iyong dubsmash. Tapos na iyong ligawan. Kailangan bigyan na sila ng ibang role. Iyang Eat Bulaga, napakabilis magpasikat niyan eh, pero ang napuna lang naming hindi na sila gumagawa ng ibang plano. Pinababayaan na lang nilang mag-settle ang popularidad at kung mawala man, hanap na lang ng iba. Natatandaan pa ba ninyo si Gracia na sobra ang kasikatan noong araw? Si Rochelle Pangilinan at iyong Sex Bomb, aba ang tindi ng mga iyan noon. Si Aiza Seguerra at si Ryzza Mae Dizon sumikat nang husto. Pero nang mangagsimula nang mag-settle ang popularidad, wala ng naging follow up. Sana naman hindi ganoon ang mangyari sa AlDub.
HATAWAN – Ed de Leon