HINDI na nga siguro kailangang magkaroon pa ng rematch at sa palagay namin kahit na siguro sinong artista ang magkaroon ng isa pang MMA fight ay hindi na kakagatin pa ng mga enthusiast matapos ang nangyaring laban nina Baron Geisler at Kiko Matos.
Lumalabas kasing ang laban nila ay mas matindi sa parinigan, pero roon sa talagang laban ay wala na.
Hindi talaga kuntento ang mga nakapanood sa dadalawang round na laban. Tumagal lamang iyon ng ilang minuto. Ni hindi nga raw nag-init ang octagon at tapos na ang laban. Iyon pala, dalawang rounds lang ang kasunduang laban. Hindi pala iyon talagang bakbakan na inaasahan kundi isang entertainment presentation lamang.
Lalo raw silang nadesmaya nang magtanong pa si Baron kung na-entertain ba sila? Ibig sabihin, maliwanag na entertainment show lang pala iyon, acting lang. Eh ano nga ba ang aasahan nila eh pareho namang artista ang dalawa, kaya mas normal na acting lang iyon kaysa talagang laban.
Napuna rin ng mga totoong MMA enthusiasts na nakapanood ng palabas na unfit para sa nasabing sports ang dalawang naglaban. Pareho na silang humihingal at parang hindi na makagulapay matapos lamang ang dalawang rounds. Kaya nga sinasabi nila, sana pinaghandaan naman iyon nina Baron at Kiko para nagmukha namang kapani-paniwala ang match.
Ngayon sinasabi nga nila, hindi lamang ang isang possible rematch ang nawalan na ng pag-asa, pero kung mayroon mang iba pang laban magkakaharap ang mga artista, magdududa na ang mga manonood na baka isang moro-moro na naman iyon, at hindi na nila paniniwalaan.
Iyan ang hirap ng ang nagsisimula ng kahit na anong proyekto ay hindi nagugustuhan ng mga tao. Pati ang mga kasunod na ganoong proyekto ay hindi na paniniwalaan.
HATAWAN – Ed de Leon