ISANG pari na nagkaanak ang kuwento ng pelikulang Iadya Mo Kami ng BG Productions ni Ms. Baby Go. Nagkuwento si Direk Mel Chionglo ukol sa pelikula na kalahok sa Filipino New Cinema Section ng World Premieres Film Festival Philippines ng Film Development Council of The Philippines mula June 29-July 10. Ang gala premiere night nito ay sa July 3, SM Megamall Cinema 6, 8 pm.
“Iadya is about one man’s search for his true calling, seeking redemption through his search for true spirituality. First time kong gumawa ng pelikula tungkol sa religion, sa mga pari, at mga problema ng kaparian.
“Hindi anti-clergy ang pelikula. Tinatalakay dito ang maraming problema ng pagiging alagad ng Diyos. Ang maging pari ay hindi biro. So many challenges face a servant of God. Kung ang isang pari ay lumihis sa kanyang debosyon at tungkulin, hindi ito kinondena ng pelikula. But the film tries to show that, because life has so many challenges, even a priest needs to examine himself and his choices. And maybe God will bring him back to the one, true road he had taken,” esplika ng award-winning director.
Dagdag pa niya, “Sinabi ko kay Allen na ang character ni Fr. Greg ay tahimik, walang nakikita sa mukha niya na mayroon siyang pinagdadaanang mga pagsubok. Matipid din siya sa mga kilos niya. His emotions are always in check. Ang mga ibang characters na ginampa-nan ni Allen, tulad sa Lauriana at Magkakabaung ay mga expressive characters. Umaapaw ang emosyon. Even physically. Happy ako dahil Allen is a very receptive actor, open to his director’s and writer’s intentions. At least, iba ang performance niya rito from his other roles.”
Masasabi n’yo bang isa si Allen sa top dramatic actor ng bansa ngayon?
“Oo naman! With his record na sunod-sunod ang awards dito at pati sa abroad. Patong-patong na ang awards ni Allen, e, kumbaga, nagmarka na si Allen sa film industry,” saad pa ni Direk Mel.
Tampok din sa pelikula sina Aiko Melendez, Ricky Davao, Eddie Garcia, Diana Zubiri Allan Paule, Ana Feleo, Brian Arda, Jess Evardone, at Rolando Innocencio.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio