PALAGAY namin, wala namang masama sa sinabi ng singer na si Mark Bautista na kailangan sigurong magdagdag ng wheel chair ang mga ospital dahil makatutulong iyon sa mabilis na pagliligtas ng buhay. Nasabi lang naman niya iyan dahil nang isugod sa emergency room ng East Avenue Medical Center ang kanyang ama, isang government hospital, nahirapan silang makakuha ng wheel chair para maibaba sa sasakyan ang pasyente.
Sinabi rin naman niya pagkatapos na mahuhusay ang pakikitungo ng mga doctor at nurse sa tatay niya na nasa ICU ng ospital. Ang sinasabi lang niya, sana may mas maraming wheel chair.
Tama naman ang sinasabi niya. Maraming mga pasyenteng isinusugod sa emergency room na wala nang kakayahang maglakad. Kailangan talaga ang wheel chair. Alam namin iyan, dahil nagdaan din kami sa ganyang karanasan. Kung walang wheelchair agad sa ospital na aming napuntahan, ewan namin kung umabot pa kami sa emergency room.
Iyong kay Mark naman ay hindi pamimintas. Isang suggestion lamang iyon.
HATAWAN – Ed de Leon