NANINIWALA kaming hindi naman iniiwasan ng mga imbestigador ang posibilidad na ang naging dahilan ng pagkamatay ng limang nasa isang rave party sa Pasay ay may kinalaman sa droga. Dalawa sa kanila ang sinasabing namatay sa massive heart attack. Pero hindi na inimbestigahan pa kung ano ang posibleng dahilan ng massive heart attack na iyon.
Nagsabi rin daw ang pamilya ng dalawa sa namatay na iwe-waive na nila ang autopsy. Ibig sabihin hindi na sila interesado pang alamin kung ano talaga ang ikinasawi ng kanilang kaanak.
Sa kabila ng naglalabasang talamak ang droga noong gabing iyon sa concert o rave party na iyon, mukhang nalalayo roon ang takbo ng imbestigasyon.
Iyong eye witness story ng aktres na si Alma Concepcion ay magbubukas ng ating mata sa maraming bagay. Sinabi niya na sa harapan nila ay may isang grupo ng mga kabataan, na talagang nagsasayaw ng todo ng ilang oras. Para silang hindi napapagod. Hindi sila tumitigil sandali man, hanggang sa isang babae ang bigla na lang nawalan ng malay. Kung pagbabasehan mo ang kuwentong iyan, maliwanag na may isang sitwasyong hindi normal. Para sa isang tao na magsayaw wildly ng ilang oras na parang walang kapaguran, aba eh may nilaklak iyan.
Itinatago nga ang katotohanang may mga nakapasok na may dalang droga noong gabing iyon. Siguro nga ayaw naman nilang masabing nagpabaya ang security. Siguro nga ayaw nilang masabi na kinunsinti nila iyon. Pero sinasabi nga na sa mga ganyang klase ng concert at rave parties, karaniwan na ang may dalang droga.
Ang sinasabi lang namin, dapat kung gagawa sila ng ganyan, ang kanilang security ay may kakayahan na siguruhing walang makapapasok na may dalang droga. Dahil kung hindi, mauulit at mauulit ang pangyayaring iyan.
HATAWAN – Ed de Leon