PATULOY sa paggawa ng challenging na pelikula ang mulit-awarded actor na si Allen Dizon. Recently, muling nanalo ng Best Actor award si Allen Dizon sa 4th Silk Road International Film Festival para sa pelikulang Iadya Mo Kami, na actually ay isang record dahil back to back win ito para kay Allen na last year ay nanalo rin dito para naman sa pelikulang Magkakabaung ni Direk Jason Paul.
Ito ang pang-apat niyang international Best Actor award, at pang-20 na Best Actor award sa kabuuan. Kaya marami ang nagtatanong sa actor kung kinasasanayan na niya ang tumanggap ng ganitong award lalo na at pang-International?
“Medyo sanay na rin, pero iba pa rin iyong kapag nanalo ka, hindi ba? Iba pa rin ang pakiramdam kapag tinawag ang pangalan mo at aakyat ka sa stage, iba pa rin ang pakiramdam.
“Sa totoo lang, kapag award’s night, kinakabahan pa rin siyempre ako,” paliwanag ni Allen.
Pero nilinaw din ni Allen na hindi naman niya iniisip ang award kapag may ginagawa siyang project.
“Pero ako naman, hindi ko iniisip na kapag may project ako, pang-award iyon. Hindi ganoon e, kasi, nakaka-dagdag pa iyon sa pressure. Pero ang ginagawa ko naman kasi, lahat ng project na natotoka sa akin, talagang ibinibigay ko ang best ko,” pahayag pa ni Allen.
Gumanap si Allen Sa Iadya Mo Kami bilang isang pari na may naanakang girlfriend. Isa raw ito sa pinaka-challenging na role na kanyang nagampanan. Reunion movie rin ito nina Allen, Direk Mel at Ricky Lee. Bukod kay Allen, tampok dito sina Eddie Garcia, Aiko Melendez, Ricky Davao, at Diana Zubiri
Isa si Allen sa dumalo sa blessing ng bagong opisina ng BG Productions International na matatagpuan sa Lee Gardens Condominium sa Mandaluyong City.
Aminado ang may-ari ng BG Productions na si Ms. Baby Go na isa si Allen sa loyal na actor sa kanyang movie outfit. Pinuri niya rin ito sa pagiging professional, mabait, at walang arte sa trabaho.
Sa panig naman ni Allen, sinabi ng actor na masaya siyang maging bahagi ng movie company ni Ms. Baby. “Siyempre natutuwa tayong maging part ng BG Productions. Nakikita naman natin na ang mga project dito, may advocacy talaga at makikita natin na makabuluhan ang mga pelikula ng ating producer.
“Kaya thankful ako na may isang Baby Go na talagang tumutulong sa ating indie films. Masaya rin tayo na maraming pelikula ng BG ay kinikilala sa mga award giving bodies dito sa ating bansa at pati na sa abroad,” pahayag ni Allen.
Sa ngayon, ginagawa niya ang pelikulang Area with Ai Ai delas Alas. Ito’y mula sa pamamahala ni Direk Louie Ignacio.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio