MALIWANAG naman iyong statement ni COMELEC Chairman Andy Bautista, “kung may magrereklamo, titingnan natin kung ano talaga ang nangyari”. Iyon ang sinabi niya noong may magtanong kung ano ang masasabi niya sa picture nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, na kapwa nangampanya sa natalong kandidatong si Mar Roxas, na nagpapakitang hawak ang kanilang balota sa loob mismo ng polling place. Hindi lang iyon. May mga picture pang nagpapakita kay Kathryn na may suot na “baller id” ni Roxas, na ipinagbabawal din sa election code. Pero tama si Chairman Andy, kailangan may complainant muna.
Sino pa ba naman ang magrereklamo sa dalawa eh natalo naman ang kanilang kandidato?
Isa pa, kung kami ang tatanungin, wala kaming nakikitang violation. Una, hindi nag-selfie ang dalawa. Kinunan sila ng isang media practitioner, para siguro sa kanyang pagbabalita. Nailabas lamang iyon sa kanyang social media account, na agad namang inalis nang malaman siguro niyang may gulo dahil doon. Noong kunan ang picture, wala pa namang markings ang mga balota, ibig sabihin hindi nila nilabag ang secrecy of the ballot. Hindi naman sila kagaya niyong nagpakita pa ng resibo niya na nagpapakita kung sino ang kanyang ibinoto.
Pero natawa kami sa ganting pasaring ng isang Kathniel defender. Sabi niya “bakit iyong Kathniel lang. Ganoon din ang Jadine”. Sabay inilabas din niya ang picture nina James Reid at Nadine Lustre na may hawak ding dokumento.
Mabilis naman siyang sinagot ng isa niyang kaibigan, “alisin mo iyan dali. Talo tayo riyan, Iyong sa biometrics iyan”. Kasunod niyon nawala na nga ang post na gusto pang idamay ang JaDine, na naging wise at hindi naman nag-endoso ng sino mang kandidato sa kabila ng napakalaking alok na talent fee sa kanila.
Tapos na ang politika. “Shut up” na tayong lahat.
HATAWAN – Ed de Leon