Orange Team ni Mayor Oca landslide sa Caloocan
Hataw News Team
May 11, 2016
News
MATAGUMPAY na nairaos ang proklamasyon ng mga kandidatong naihalal ng mga residente ng Caloocan upang muling makapaglingkod ng panibagong termino sa kanilang nasasakupan.
Hindi mahulugang karayom ang nagnais makasaksi sa isinagawang proklamasyon sa mga kandidato mula sa alkalde, bise-alkalde, kongresista at mga konsehal mula sa dalawang distrito ng lungsod.
Nagtilian ang supporters, mga opisyal at media sabay ugong ng palakpakan nang ihayag ng Commission on Elections ang muling pagluklok kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan bilang alkalde ng lungsod, si Vice Mayor Maca Asistio, District 1 Congressman Along Malapitan, at District 2 Cong. Egay Erice.
Sa mga konsehal, naluklok sa District 1 sina councilors Anna Karina Teh, Chris Malonzo, Dean Asisitio, Carmelo Africa, Onet Henson at San Buenaventura.
Sa District 2 sina councilors Carol Cunanan, Tino Bagus, Rose Mercado, Obet Samson, Luis Asistio at Ed Aruelo.
Naging saksi sa nasabing kaganapan sina Caloocan City chief of police S/Supt. Bartolome Bustamante, deputy chief of police Supt. Ferdinand del Rosario, DPSTM chief Larry Castro, at iba pa.
Sa panayam, sinabi ni Mayor Oca na mas pag-iibayuhin niya ang pagpapaunlad sa lungsod, pagbibigay ng tulong medikal, scholarships, pag-aaruga sa senior citizens, mga libreng pagsasanay, sports, ugnayan sa mga barangay, hospitalization, at marami pang mga programa at proyekto na karagdagan sa mga naipagawa ng alkalde tulad ng Diosdado Macapagal Medical Center sa north at south Caloocan, University of Caloocan na libre ang tuition fees, mga parke, at marami pang iba kasabay ng muling pagbibigay prayoridad sa kanyang proyektong “Tao ang Una.”