SA pagkukuwentuhan namin ng isang kilalang political analyst, sinabi niyang mukhang sa pagkakataong ito, maraming mga artistang kumandidato ang hindi mananalo sa eleksiyon, lalo na iyong mga tumatakbo sa mga national position. Maliban kasi kay Senador Tito Sotto, na incumbent naman, wala isa man sa mga artistang kandidato na sumasampa sa survey.
Sinasabi rin niyang mukhang hindi rin epektibo ang mga artistang endorser sa eleksiyong ito. Kasi iyon ngang kandidato na sinasabing may pinakamalaking gastos sa pagbabayad sa mga artistang endorser, hindi rin naman maka-angat sa ratings. Ibig sabihin, walang nagawa para sa kanya ang mga artistang nakuha niya kahit sikat ang mga iyon. May mga taga-showbiz pa ngang nagsasabing nabatak niya pababa ang popularidad ng mga celebrity endorser niya.
Hindi naman talaga masasabing sa lahat ng pagkakataon ay nakatatangay ang popularidad ng mga artista. Palagay din naman namin, iyon namang mga artistang kumakandidato lang dahil gusto nila at hindi dahil alam nila kung ano ang mga kailangan ng bayan at ang kanilang magagawa ay hindi dapat na i-encourage.
Maraming problema ang industriya ng entertainment sa ating bansa. Palagay namin iyon muna ang mas kailangan nilang harapin, tutal mga artista sila eh. Huwag na muna nilang pakialaman ang politika kung hindi naman talaga nila linya.
Karamihan naman kasi sa mga iyan nakikiuso lamang eh.
HATAWAN – Ed de Leon