IREREKOMENDA kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ni Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) chief, Ret. Col. Rey Medina, Jr.,
na gawaran ng posthumous commendation ang traffic enforcer na namatay pagkatapos tumulong maghatid ng pasyente sa Ospital ng Malabon (OsMal) nitong nakaraang Biyernes ng hapon, 4 Hulyo.
Dead on arrival sa pagamutan ang babaeng traffic enforcer, kinilalang si Janet Respicio, 48 anyos, nang atakehin sa puso makaraang tumulong sa pagtutulak ng tumirik na e-trike na may sakay na pasyenteng isusugod sa ospital.
Sa report mula sa tanggapan ni Ret. Col. Medina, Jr., hepe ng PSTMO, on-duty ang biktimang traffic enforcer na si Respicio, residente sa Bayan-bayanan, at nagmamando ng trapiko sa Leoño St. at Rizal Avenue, Brgy. Tanong Poblacion, nang humingi ng tulong ang isang e-trike driver na may sakay na pasyente at kailangang isugod sa OsMal.
Nabatid na low battery ang e-trike dakong 3:30 ng hapon kaya nagpasiya si Respicio na pagtulungan nilang itulak ang e-trike patungong ospital na nasa F. Sevilla St., sa likod ng Malabon City Hall.
Ngunit nang malapit na sa naturang pagamutan, napansin ng kasamang enforcer na si Evelyn Encenarial ang paninikip ng dibdib ng biktima at dumaraing na nahihirapang huminga.
Agad silang nakakuha ng wheelchair sa pagamutan at isinakay si Respicio matapos maitakbo ang pasyente sa pagamutan.
Ayon sa isang traffic enforcer, nakita na niyang naninigas at naihi na sa suot na uniporme ang biktimang traffic enforcer hanggang bawian ng buhay sa emergency room. (VICK AQUINO)