MAGPAPASIKLAB na naman ang ALAS Pilipinas sa harap ng home crowd—pero ngayon, may ranking points at cash prizes pa—sa Southeast Asian Men’s V.League na gaganapin sa Candon City, Ilocos Sur mula Hulyo 9 hanggang 13.
Katatapos lang nilang humakot ng papuri sa Alas Pilipinas Invitationals sa Smart Araneta Coliseum, at ngayon, handa na silang pasayahin ang fans sa Norte, sa Candon City Arena.
Dalawang beses nang nakakuha ng bronze ang Alas Pilipinas sa 2024 SEA V.League, pero this time, target nilang makuha ang mas mataas na pwesto at mas malaking parte ng $55,000 (₱3.15 milyon) prize pool.
Sasali na rin sa liga ang Cambodia, bukod sa mga powerhouse na Thailand (na two-leg champion), Indonesia, Pilipinas, at Vietnam. Nakasama ang Cambodia matapos nilang manguna sa SEA V.League Challenge kung saan nakalaban nila ang Malaysia, Laos, at Singapore, ayon kay Tats Suzara ng Philippine National Volleyball Federation.
Galing pa ang team sa AVC Men’s Nations Cup sa Bahrain kung saan umaasa silang makakuha ng ranking points at dagdag na kumpiyansa para sa paghahanda nila sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship na gaganapin dito sa Pilipinas mula Setyembre 12 hanggang 28.
Ang champion team ay tatanggap ng $13,000 (₱743,000), habang ang second place ay $12,000 (₱686,000). Ang third, fourth, at fifth placers naman ay makakakuha ng $11,000, $10,000, at $9,000.
Maglalaro muli ang ilan sa mga pinakapaboritong players ng bansa—sina Marck Espejo, Steve Rotter, at Owa Retamar—na kabilang sa team na nagpa-upset sa Thailand sa limang sets noong Invitationals.
Pero bumawi ang Thailand sa AVC Nations Cup sa Bahrain, kaya tiyak na mainit ang rematch nila sa SEA V.League. (HNT)