MAGIGING mas mabigat ang laban na haharapin ng Alas Pilipinas women’s volleyball team sa nalalapit na 33rd Southeast Asian (SEA) Games sa Disyembre, na gaganapin sa Thailand, sa kanilang hangaring makamit ang inaasam na podium finish.
Bagama’t galing sa matagumpay na kampanya kung saan nagtamo ng pilak sa AVC Women’s Volleyball Nations Cup sa Hanoi, Vietnam kamakailan, inaasahang mahihirapan pa rin ang pambansang koponan laban sa mga itinuturing na pinakamahuhusay sa rehiyon gaya ng Vietnam, Indonesia, at ang host team na Thailand.
Ayon kay Head Coach Jorge De Brito, nananatiling matataas ang pamantayang internasyonal ng nasabing apat na koponan, batay na rin sa kanilang aktibong paglahok sa mga paligsahan sa loob at labas ng Asya. Sa katatapos lamang na AVC tournament, dinomina ng Vietnam ang Pilipinas sa iskor na 25-15, 25-17, 25-14 upang maagaw ang gintong medalya.
“Walang duda, ang apat na koponang ito ay nagpapanatili ng napakataas na international standard,” pahayag ni De Brito sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Kasama ni De Brito sa nasabing forum sina team captain Jia De Guzman, middle blocker Dell Palomata, at ang pangulo ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na si Ramon ‘Tats’ Suzara. Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ArenaPlus.
Ipinunto ni Suzara na bagamat hindi kasama sa opisyal na kalendaryo ng Fédération Internationale de Volleyball (FIVB) ang SEA Games, nananatili itong mahalaga sa pagpapalakas ng programa ng bansa.
“Ang pangunahing layunin ng Alas Women’s ngayong taon ay ang SEA Games. Bagamat hindi ito nagbibigay ng ranking points, mahalaga ito sa aming paghahanda at patuloy na pag-unlad,” ani Suzara. “Araw-araw ay sinisikap naming matuto mula sa bawat kompetisyon.”
Huling nanalo ng gintong medalya ang Pilipinas sa women’s volleyball sa SEA Games noong 1993 sa Singapore. Ang huling pagkakataong nakaakyat sa podium ang koponan ay noong 2005 SEA Games na ginanap sa Maynila.
Ipinahayag naman ni De Guzman, na kinilalang Best Setter sa AVC Nations Cup, ang kanyang pananalig na maaabot rin ng Pilipinas ang antas ng mga powerhouse na tulad ng Vietnam at Thailand. Kasama rin niyang pinarangalan sina Palomata bilang Best Middle Blocker at si Angel Canino bilang Best Outside Spiker.
“Kailangan lamang naming manatiling tapat sa programa. Naniniwala akong darating ang panahon na maaabot din natin ang kanilang antas,” ani De Guzman. “Ang mahalaga, nakikita na nila ang paglago natin bilang koponan. Ibig sabihin, nagiging banta na tayo.”
Dagdag pa niya, “Hindi imposibleng abutin ang antas ng Thailand, Vietnam, at Indonesia. Kailangan lang natin magpatuloy at magtiwala sa proseso.”
Ibinahagi rin ni Coach De Brito na bagama’t bukas siyang tumanggap ng karagdagang manlalaro, mahalaga pa ring mapanatili ang kasalukuyang core group ng 25 na atleta na nagwagi ng pilak sa Hanoi.
“Mayroon na tayong core na binubuo ng 25 manlalaro, at sila ang patuloy naming pahuhusayin,” ani De Brito.
Bilang paghahanda, sasabak pa ang Alas Pilipinas sa 2025 VTV Cup ngayong buwan sa Vietnam, pati na rin sa Southeast Asian V. League sa Agosto, na gaganapin sa Vietnam at Thailand, bago ang opisyal na pagsabak sa SEA Games. (HNT)