BUMAWI ang Alas Pilipinas mula sa mabagal na simula upang ipanalo ang laban kontra Indonesia, 22-25, 25-23, 25-13, 28-26, at panatilihing malinis ang kartada sa AVC Women’s Volleyball Nations Cup na ginanap sa Dong Anh District Center for Culture, Information and Sports noong Linggo sa Hanoi.
Nagtapos si Alyssa Solomon na may 17 puntos, habang sina Angel Canino at Bella Belen — na parehong galing sa bench — ay nag-ambag ng 17 at 12 puntos ayon sa pagkakabanggit para sa Alas Pilipinas, na ngayon ay may kartadang 2-0 sa Pool B, kasalo ang Kazakhstan.
“Pinaghandaan po talaga namin ‘yung match. Kahit sino man ang maglaro, kahit ‘yung nasa bench, kami, kasi hindi naman po kami starting six,” ani Belen. “So ready lang kami sa mga pwedeng mangyari at napaghandaan naman po talaga namin ang Indonesia. Alam namin na strong team sila, na maski mga bata sila, alam namin na macha-challenge kami.”
Matapos talunin ang Mongolia noong Sabado, agad bumalik sa paghahanda ang Alas Pilipinas para sa susunod na laban.
“Very happy kasi nagawa ng team ‘yung mga pinag-aralan namin at napag-usapan namin na dapat naming gawin,” dagdag pa ni Belen.
Naabot ng Alas Pilipinas ang match point sa pamamagitan ng mabilis na atake ni Fifi Sharma, ngunit naitabla ito ni Ersandrina Devega, at isang attack error ni Canino ang nagbigay sa Indonesia ng set point, 25-24.
Hindi bumitaw ang Indonesia at muntik nang maipuwersa ang panibagong set, humawak sa set point, 26-25, bago bumawi si Canino upang itulak ang Pilipinas sa match point, at si Shaina Nitura — baguhan sa national team — ang nagtapos ng laban para sa panalo ng bansa.
“Very happy po kasi grabe po ‘yung bench — very deep, kahit sinong ipasok lalaban. Nakita ko po talaga kanina ‘yung teamwork at pagtitiwala sa isa’t isa,” ani Nitura.
Bumagsak sa 0-2 ang rekord ng Indonesia. Sunod na makakaharap ng Alas Pilipinas ang Iran sa Lunes, 4:00 ng hapon (oras sa Maynila).