NAGPASALAMAT ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-apruba ng kahilingang pondohan ang pagho-host ng Pilipinas sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 na gaganapin ngayong Setyembre.
“Taos-pusong pasasalamat sa Pangulo [Marcos] para sa kanyang napakahalagang suporta sa world championship,” ani Ramon “Tats” Suzara, pinuno ng PNVF at nangungunang opisyal ng Local Organizing Committee (LOC) para sa world championships na kauna-unahang iisa-host ng bansa mula Setyembre 12 hanggang 28.
“At ang pasasalamat ng LOC ay lubos din naming ipinaaabot sa Unang Ginang [Marie Louise ‘Liza’ Araneta Marcos] na mula pa sa simula ay nagpapakita ng pagmamahal sa volleyball, katulad ng milyon-milyong Pilipino,” dagdag pa ni Suzara, na siya ring pangulo ng Asian Volleyball Confederation.
Ginawang opisyal ng Malacañang ang pag-apruba sa pamamagitan ng isang memorandum na ipinadala kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman at Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
“Nang buong puso, nagpapasalamat ang Philippine sports community sa dedikasyon ni Kagalang-galang Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagtataguyod ng isang makasaysayan at kahanga-hangang pagho-host ng 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championships ngayong Setyembre,” ayon kay Bachmann.
Ang anak ng Pangulo na si William Vincent “Vinny” Araneta Marcos ang co-chair ng LOC kasama si Senador Alan Peter Cayetano at Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, habang si Bachmann ang namumuno sa LOC board na kinabibilangan din nina Senadora Pia Cayetano, Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino, at sports patron na si Manuel V. Pangilinan.
“Ang pamumuno ng Pangulo ay naging susi sa pagkakaisa ng pampubliko at pribadong sektor, na nagtipon sa buong sports community upang magtulungan para sa tagumpay ng prestihiyosong paligsahan,” dagdag pa ni Bachmann. “Sa ganitong pambihirang suporta mula sa lahat ng sektor, pinatutunayan natin na ang Pilipinas ay isang pangunahing destinasyon sa mundo para sa mga sporting event.”
Nagpahayag rin ng pasasalamat sina Bryan Bagunas at Eya Laure, mga opisyal na ambassador ng torneo at miyembro ng Alas Pilipinas Men at Women national teams, sa suporta ni Pangulong Marcos sa world championships.
“Mas ganado na kaming maglaro sa harap ng mga kababayan natin, pero ang suporta ng Pangulo ay mas lalo pang nagbibigay ng lakas ng loob sa amin,” ayon kay Bagunas, team captain ng Alas Pilipinas Men.
Tatlumpo’t dalawang bansa, kabilang ang Pilipinas sa ilalim ng Alas Pilipinas, ang magtitipon sa bansa para sa world championships na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Arena.
Siyamnapu’t walong (98) araw na lang mula Biyernes bago magsimula ang world championships at puspusan na ang paghahanda, kabilang ang Alas Pilipinas Invitationals na sisimulan ngayong Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Una nang inaprubahan ng Malacañang ang pagho-host sa pamamagitan ng Administrative Order No. 30, na nag-uutos sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na suportahan ang prestihiyosong paligsahan na gaganapin mula Setyembre 12 hanggang 28.
Ayon sa AO, ang PSC ang naitalagang sekretarya ng Task Force na may 17 miyembro mula sa mga kagawaran ng Turismo, Badyet at Pamamahala, Edukasyon, Kalakalan at Industriya, Pananalapi, Ugnayang Panlabas, Kalusugan, Teknolohiyang Pang-impormasyon at Komunikasyon, Interyor at Pamahalaang Lokal, mga Public Works at Transportasyon; kasama rin ang Commission on Higher Education, MMDA, National Intelligence Coordinating Agency, Bureau of Immigration, Bureau of Customs, at ang Presidential Communications Office. (HNT)