Umabot sa kabuuang 57 na mga aplikante ang opisyal na nakapasok sa final cut para sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Draft matapos nilang matagumpay na makumpleto ang lahat ng kinakailangang dokumento, kaya’t kuwalipikado na silang lumahok sa draft na gaganapin ngayong Linggo sa Novotel Manila Araneta City.
Nangunguna sa batch ng mga draftee ang three-time UAAP Most Valuable Player na si Mhicaela Belen ng National University, na makikipagsabayan sa mga kilalang atleta mula sa kolehiyo at mga aplikanteng may overseas experience na umaasang makapasok sa propesyonal na liga.
Makakasama ni Belen ang kanyang mga teammate sa NU na sina Erin Pangilinan, Sheena Toring, Pearl An Denura, at Jerrymie Ann Turaray.
Malakas din ang magiging representasyon ng De La Salle University sa pamamagitan nina Alleiah Malaluan, Baby Jyne Soreno, Julyana Tolentino, at Jessa Ordiales. Mula naman sa Adamson University ay sina May Ann Nuique, Ayesha Juegos, Jules Lopena, Aliah Marce, Kylene Villegas, at May Roque ang mga pumasa sa aplikasyon.
Kasama rin sa UAAP delegation sina Alexis Miner at Lyann De Guzman mula Ateneo; Jean Asis, Chenie Tagaod, Ann Monares, at Lyka Bautista mula Far Eastern University; Pia Abbu at Renee Penafiel mula University of Santo Tomas; Riza Nogales mula University of the East; at Nica Celis mula University of the Philippines.
Isa pang UAAP-linked prospect ay si Angela Jackson, dating manlalaro ng UP Integrated School, na sa edad na 20 ay siyang pinakabatang aplikante sa draft pool.
Dalawang Fil-Am setter na may karanasang internasyonal din ang sasali: ang 6-foot-1 na si Alohi Robins-Hardy at si Tia Andaya mula Central Washington University, kapwa layuning makakuha ng kontrata sa mga koponan ng PVL.
Mula NCAA, pinangungunahan ni Mycah Go ng College of Saint Benilde — Season 97 MVP — ang 17 aplikante mula sa nasabing liga.
Kasama ni Go sina Kristine Adante, Cherry Mae Cuenca, at Pauline De Guzman mula Arellano; Angelique Ledesma at Lea Tapang mula Letran; Jhan Pauline Fortuno at Jamaica Villena mula EAC; Maliey Amante, Karyla Jasareno, at Jerry Lyn Laurente mula JRU; Zonxi Jane Dahab at Joan Doguna mula Lyceum; Jan Gregorio at Reyann Canete mula San Beda; Von Dimaculangan mula San Sebastian; at Winnie Bedana mula Perpetual Help.
Apat na Fil-Canadian prospects din ang kabilang sa final list: Yveian Orpiano (Concordia University of Edmonton), Reinali Calisin (Lawrence Technological University), Clara Serrano (Olds College), at Divine Cortez (University of Saskatchewan). Layon nilang makasunod sa yapak nina Savi Davison ng PLDT at Aleiah Torres ng Creamline.
Kasama rin sa mga hopefuls sina Shane Carmona, Erika Deloria, at Zenneth Perolino mula Enderun College; Ivy Aquino mula Asian Institute of Maritime Studies; Gerlie Trilles mula CIT Colleges of Paniqui Foundation; Eika Bucog mula Lyceum-Batangas; at ang 39-anyos na si Rose Joy Pinuela mula Olivarez College.
Sa 60 na nagsumite ng aplikasyon, tatlo ang hindi nakumpleto ang mga kinakailangang dokumento sa takdang oras — sina Nenita Padua ng Arellano, Fil-Canadian Mary Ann Rioflorido, at Ezriah Martinez ng University of the Cordilleras — kaya’t hindi sila kuwalipikadong sumali sa draft sa Linggo.
Nanguna ang Capital1 sa draft lottery na ginanap kamakailan at sila ang unang pipili sa draft. Susunod ang Galeries Tower sa ikalawang pick, Farm Fresh sa ikatlo, at NXLED sa ikaapat.
Kasama rin sa unang round ng pagpili ang Zus Coffee, Cignal, Choco Mucho, Chery Tiggo, PLDT, Akari, Petro Gazz, at Creamline, ayon sa pagkakasunod. (HNT)