HANDA NA ang lahat para sa ikalawang Premier Volleyball League (PVL) draft ngayong weekend sa kabila ng isyu na maaaring hindi maglaro si incoming rookie Alohi Robins-Hardy para sa ibang koponan kung hindi makuha ng Farm Fresh ang kanyang playing rights.
Ayon kay Sherwin Malonzo, Chairman ng PVL Control Committee, mas malalaki at mas atletikong mga manlalaro ang bumubuo sa draft class ngayong taon na may kabuuang 60 aplikante para sa event sa Linggo sa Novotel Hotel sa Araneta Center.
Ibinahagi ni Malonzo sa Philippine Sportswriters Association Forum noong Martes na 25 sa mga rookie prospect ay mula sa UAAP, 15 mula sa NCAA, pito ay foreign-based players, at ang natitira ay galing sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng Tarlac at Baguio.
“Mas malalaki at mas malalakas ang mga players kaya maraming pagpipilian ngayon ang mga koponan. Sa tingin ko, lalo na yung nasa top four picks, makakapagpalakas talaga sila ng lineup gamit ang mga bagong, magagaling na manlalaro,” sabi ni Malonzo sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa confeence hall ng PSC sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Si Robins-Hardy, 29-anyos na Fil-Am setter mula Hawaii, ay isa sa mga inaasahang top picks sa draft, pero nitong Lunes ay naglabas siya ng opisyal na pahayag na hindi siya maglalaro para sa ibang koponan maliban sa Farm Fresh.
Ayon kay PVL President Ricky Palou, hindi ito katanggap-tanggap sa liga.
“Hindi natin papayagan ‘yan. Hindi siya puwedeng mamili ng koponan na gusto niyang salihan. Kailangan niyang dumaan sa draft,” giit ni Palou, na kasama ni Malonzo sa parehong Forum na inilahad ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ArenaPlus, ang 24/7 sports app ng bansa.
Dagdag pa ni Palou, tiyak na may parusa si Robins-Hardy kung tatanggi siyang maglaro para sa koponang kukuha sa kanya sa draft.
“Magkakaroon ng sanctions. Hindi pa namin napag-uusapan ang eksaktong parusa, pero sigurado kami na may kaparusahan ang mga lalabag sa patakarang ito,” ayon sa dating manlalaro mula Ateneo at San Miguel. “Kapag sumali ka sa draft at may team na pumili sa iyo, kailangan mong maglaro para sa team na iyon—kung hindi, hindi ka makakapaglaro sa liga.”
Ang Farm Fresh ang pipili sa ika-3 overall pick sa unang round, kasunod ng Capital 1 Solar at Galeries Tower, habang ika-4 ang Nxled. Ang apat na koponan ay dumaan sa lottery para matukoy ang kanilang draft order.
Ika-5 naman ang Zus Coffee, sinundan ng Cignal, Choco Mucho, Cherry Tiggo, PLDT, Akari, Petro Gazz, at Creamline.
Noong nakaraang linggo, isinagawa ng PVL ang dalawang araw na Draft Combine sa Paco Arena upang bigyang pagkakataon ang mga koponan na masilip ang mga rookie na available sa draft.
“Magiging kapana-panabik ang draft na ito dahil tiyak na makakadagdag sa kakayahan at competitiveness ng lahat ng koponan. Sigurado ako na ang mga team na nasa mababang puwesto noon ay magkakaroon na ngayon ng lakas para makipagsabayan sa mga top teams,” ayon kay Palou.
Matapos ang draft, magsasagawa ang liga ng PVL On Tour sa mga lugar na labas ng Maynila, bago magpahinga pagdating ng Setyembre upang bigyang-daan ang pagho-host ng bansa at pakikilahok sa FIVB Men’s Volleyball World Championship.
Pagkatapos ng world meet, itutuloy ng PVL ang Reinforced Conference, ang ikatlo at huling conference para sa season. (HNT)