KILABOT at pagkabigla ang naramdaman ng mga residenteng tumawid sa isang lumang tulay sa bayan ng San Rafael, lalawigan ng Bulacan, nang makita ang isang katawang walang ulo na palutang-lutang sa ilog, nitong Martes, 20 Mayo.
Mabilis na kumalat ang nakakikilabot na eksena sa social media na nagbunsod sa mga tauhan ng San Rafael MPS na magtungo sa lugar at upong magberipika nitong Miyerkoles, 21 Mayo.
Sa pangunguna ni P/Lt. Col. Protom Guevarra, acting police chief ng nabanggit na himpilan, tinunton ng mga awtoridad ang hindi kilalang katawan sa boundary ng mga barangay ng Upig at Salapungan.
Agad ipinag-utos ni Guevarra ang imbestigasyon upang mas malalim na masiyasayat ang insidente.
Ayon sa pulisya, hindi pa nila magalaw ang labi hanggang hindi pa dumarating ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang maproseso ang mga ebidensiya at ang pinangyarihan.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at matunton ang mga posibleng suspek.
Hindi isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na pinatay at pinugutan ang biktima sa ibang lugar bago itinapon sa ilog upang iligaw ang imbestigasyon.
Gayondin, patuloy ang pulisya sa paghahanap sa nawawalang ulo ng biktima.