MARIING pinabulaanan ni Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson ang napaulat na nakipagpulong siya kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, maliwanag na isa itong paninira at mayroong malisyosong pananaw lalo na’t uupo siyang isa sa mga senator/judge sa impeachment trial ukol sa reklamo laban kay Duterte sa impeachment court sa ilalim ng 20th Congress.
Iginiit ni Lacson, hindi nararapat at hindi na makipagkita lalo na’t siya ang mismong respondent sa reklamo.
Nanindigan si Lacson na mayroon siyang delicadeza sa kanyang sarili kung kaya’t walang dahilan para magkita o makipag-usap siya at ang isa pang senator-elect kay Duterte.
Binigyang-linaw ni Lacson na walang masamang makipag-usap o mag-courtesy call sa bise presidente ng bansa ang isang nanalong senador o kongresista kung normal ang lahat hindi sa katulad na sitwasyon ngayon ni Duterte.
Inamin ni Lacson na noong 2016 matapos niyang manalo muli bilang senador ay nag-courtesy call at nakipagpulong siya kay dating Vice President Leni Robredo. (NIÑO ACLAN)