Giselle Sanchez dadalhin sa Japan matatalim na hirit

Giselle Sanchez Japan

MATABIL
ni John Fontanilla

MATAPOS ang ilang dekadang pamamayagpag sa TV, pelikula, teatro, at live shows, dadalhin na ni Giselle Sanchez ang kanyang matatalim na hirit, nakagugulat na kuwento, at walang takot na pagpapatawa sa harap ng live audience sa Japan. Ito ang inaasahang isa sa pinakamalalaking Filipino comedy events na ginanap sa ibang bansa.

Kilala bilang “The Siren Star of Stand-Up,” maghahatid si Giselle ng all-new material na tiyak ikatatawa ng mga Pinoy at maging ng mga manonood mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Gaganapin ang taping ng Bad Example sa Higashibetsuin Kaikan Hall sa Nagoya, Japan sa Setyembre 20, 2026, 5:00 p.m.. At eto ang pasabog—libre ang admission para sa lahat ng NDM Plus Platinum members.

Ang espesyal na palabas ay isang NDM Original Comedy Special na hatid ng NDMstudios at mapapanood sa buong mundo, eksklusibo sa NDM Plus.

Hindi rin basta-basta ang mga utak sa likod ng proyekto. Direktor at producer nito ang award-winning filmmaker na si Nijel de Mesa.

Samantala, bumubuo naman ng matinding writers’ room ang mga beteranong Bubble Gang writers na sina Henry Maceda at Ferdie Aguas, kasama sina Patrick Alcantara at Jarvin Pastor ng Pencil Box. Kaya asahan na ang walang humpay na tawanan at mga banat na tatatak sa isip ng audience.

Kung may isang komedyanteng kayang pagsamahin ang katatawanan, katotohanan, at katapangan sa iisang entablado, si Giselle na ‘yon! Sa show niya ipakikita ang walang hanggang Pinoy humor—kahit sa international stage, panalo pa rin