ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang isang Intelr-Agency Task Force na mamumuno sa paglaban sa malawakang ipinagbabawal na kalakalan ng mga excisable goods, lalo ang mga sigarilyo at vape products.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa isang malawakang koordinasyon upang maiwasan na maakit ang mga kabataan sa vaping.
Nakatakdang maghain ng resolusyon ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, na nananawagan ng paglikha ng isang inter-agency body na pangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Inaatasan ang DTI na magsagawa ng market analysis para magrekomenda ng mga konkretong polisiya.
“Kung hindi natin sosolusyonan ito, mas maraming bata ang gagamit ng e-cigarettes. Kailangang baguhin natin ang kultura ng mga kabataan na gumagamit ng vape dahil ito ang papatay sa kanila,” ani Gatchalian na nagpakita ng datos na mahigit 120,000 kabataan ang nagsimulang mag-vape.
Batay sa datos, ang mga kabataang ito ay walang karanasan sa paninigarilyo.
Sinabi ni Gatchalian na handa siyang suportahan ang pagbibigay ng pondo para sa inter-agency body.
“Nakaaalarma na ito at umaasa tayong makakukuha ng pondo taon-taon para magtuloy-tuloy ang programa,” aniya. (NIÑO ACLAN)