Bulacan Dreamers, kinatawan ng Asia-Pacific Region sa 2026 Senior League Softball World Series sa USA
BUONG-PUSONG sinuportahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga batang atleta, habang pinalalakas ang kanilang loob na dalhin ang pag-asa at dangal ng sambayanang Filipino sa pandaigdigang entablado.
Nasa Sussex Country, Delaware, USA na ang Bulacan Dreamers Women’s Softball Team at handang katawanin ang Filipinas at ang buong Asia Pacific Region sa 2026 Senior League Softball World Series na gaganapin mula 3 Agosto hangang 9 Agosto.
“Nakagagalak pong isipin na kasabay ng pamamayagpag ng ating mga ipinagmamalaking atleta tulad nina Alex Eala, EJ Obiena, Carlos Yulo, Manny Pacquiao, at marami pang iba, ay sumasabay dito ang mga batang atleta na nagmula sa dakilang Lalawigan ng Bulacan. Pabaon ko po sa kanila ang aking buong paniniwala na iwawagayway nila ang bandila ng Filipinas sa buong mundo,” anang gobernador.
Hinimok din niya ang lahat ng Filipino na magkaisa sa panalangin para sa kaligtasan at tagumpay ng koponan, habang ipinaglalaban nila ang kanilang pangarap na maging kampeon sa buong mundo.
Sa ngalan ng gobernador, nagsilbi si Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino bilang puno ng delegasyon. Lalaban ang Bulacan Dreamers sa East Region sa 4 Agosto, 8:00ng gabi (ET) o 5 Agosto, 8:00 ng umaga (PST); laban sa Latin America Region sa 5 Agosto, 5:00 ng hapon (ET) o 6 Agosto, 5:00 ng umaga (PST); laban sa Southwest Region sa 5 Agosto, 8:00 ng gabi (ET) o 6 Agosto, 8:00 ng umaga (PST); at Delaware D3 Region sa 6 Agosto, 2:00 ng hapon (ET) o 7 Agosto, 2:00 ng umaga (PST).
Para maseguro ang puwesto sa susunod na yugto ng torneo, kailangan makapasok ang koponan sa top four seeds sa kanilang bracket. Nagwagi ang Bulacan Dreamers Softball Team sa 2026 Little League Asia Pacific and Middle East Tournament na ginanap sa Bogor West Java, Indonesia noong 16 Hunyo hanggang 24 Hunyo, kaya naman pormal na silang nakapasok sa pandaigdigang kompetisyon. (MICKA BAUTISTA)